Ni Genalyn D. Kabiling at Francis T. Wakefield
Nagbabala si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa international community na huwag tratuhing basura ang Pilipinas dahil hindi siya magdadalawang–isip na insultuhin ang mga hindi gumagalang sa bansa.
Ito ang babala ng Pangulo matapos tawaging “stupid” ang Canada dahil sa naunsiyaming helicopter deal bunsod ng mga pangamba sa human rights.
“The way you treat us, you’re treating us like agarbage. The entire community of the world should know that there is a Republic of the Philippines which you cannot just f*cking sh*t,” sinabi ng Pangulo sa local government assembly sa Manila Hotel nitong Martes ng gabi.
“Do not do it to us because I will insult you. Anyway who are you?” sabi ng palabang pinuno.
Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang kondisyon ng Canada na hindi maaaring gamitin ang helicopters sa internal security operations.
Dinepensahan niya ang karapatan ng gobyerno na tugisin ang mga mamamayan na umaanib sa teroristang grupong Islamic State.
“Tingnan mo how stupid the Canadians are, very stupid. Pumayag sila na mapagbili. Noong ma-deliver na sabi nila ‘Ah but you cannot use these for military or punitive actions by the police. This is only good for evacuation and ‘yung mga humanitarian.’ Na naloko na. ‘You cannot use these against your own citizens,’” ani Duterte.
“My God, you Canadians how stupid can you get. Our citizens are joining the ISIS so we have every right to kill our citizens because we do not want to destroy the community with apathy,” aniya pa.
Noong nakaaang buwan, ipinakansela ng Pangulo ang pagbili ng 16 na Bell helicopters mula Canada na nagkakahalaga ng P11.65 bilyon matapos iparepaso ng gobyerno nito ang kasunduan dahil sa mga isyu ng human rights. Umalma si Duterte sa mga kondisyon na kasama sa pagbili ng helicopter, at nagdesisyon sa iba na lamang bibili.
SAYANG!
Samantala, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nanghihinayang ang kumpanya na sana’y magsu-supply ng 16 units of Bell 412 combat utility helicopters (CUH) na nagkakahalaga ng $233 milyon, sa kanselasyon ng deal sa Pilipinas.
Inilahad ni Lorenzana sa isang panayam na lumiham siya sa Canadian Commercial Corporation (CCC), kaugnay sa kanilang desisyon na ikansela ang kontrata dalawang linggo na ang nakalipas at nagpahayag ng paghihinayang ang mga ito.
“I sent them a letter to cancel the contract about two weeks ago. Hinayang ang company,” ani Lorenzana.
Sinabi ni Lorenzana na sa ngayon ay ikinokonsidera nila ang ilang sellers tulad ng Korea, Airbus, Russia, China at iba pa.