Nina AARON B. RECUENCO at FER TABOY, ulat nina Jun Fabon at Leonel Abasola

Nasa 19 na katao ang nasawi at 21 iba pa ang nasugatan makaraang mahulog sa malalim na bangin ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa Sablayan, Occidental Mindoro nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-4B, 15 bangkay ang narekober sa loob ng Dimple Star Bus (TYU-708), habang apat na iba pa ang hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Anim ang unang pinangalanan sa mga nasawi at kinilalang sina Arno Panganiban, bus driver; Erwin Ebuenga, 40, konduktor; Leaflor de Pedro Borlado, security guard; Cely Dama, 63; Marciano Ramos, 62; at Rudy Bacani.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kalaunan, kinilala na rin ng pulisya ang iba pang nasawing pasahero na sina Teresita Tupagan, Elizabeth dela Cruz, Virginia Ramos, Lolita Bayle, Anselma Gomez, Robert Joso, Josie Salcedo, Judith Gabuco, Nelie Alvaro, Gloria Gabuco, Rodolfo Santiago, at Percival Flores.

Isinugod sa San Sebastian District Hospital sina Madelyn Tulaytay, Allan Sanchez, Leodegario Caballes, Mary Jane Caballes, Jessica Odenia, at ang isang taong gulang na anak niyang si Byron Yugo Odenia.

Dinala naman sa provincial hospital sa Mamburao sina Alex Hernandez, Asuela Azula, Normina Lancian, Angelie Bayle, Vanessa Bayle, Darwin Robles, John Rey Perlas, Hanila Bermeo, Von Mayon, Kheira Mae Tulaylay, Raffy Acosta, Jessie Driza, Kristine de Jesus, Brandon Perlas, at Ace Tulaylay.

Ayon sa pulisya, galing San Jose City ang bus at patungong Maynila nang mangyari ang aksidente dakong 9:00 ng gabi nitong Martes sa Sitio Yapang sa Barangay Batong Buhay.

“Based on the report, the driver lost control of the vehicle and as a result, the bus hit the side railing of the bridge before it fell into the ravine,” sabi ni Supt. Tolentino.

Aniya, nasa 15-20 metro ang lalim ng bangin sa ilalim ng Patrick Bridge sa lugar.

Samantala, pinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-day preventive suspension ang prangkisa ng 10 unit ng Dimple Star Bus kasunod ng aksidente.

Kahapon, personal na nagtungo si LTFRB Board Member Aileen Lizada sa tanggapan ng Dimple Star Transport Corporation sa Cubao, Quezon City upang personal na ipaalam ang kautusan ng ahensiya, at magsagawa na rin ng inspeksiyon.

Ipinag-utos din ng LTFRB na ayudahan ng kumpanya ang mga kaanak ng mga nasawi.

Kaugnay nito, iginiit naman ni Senador Grace Poe ang pagtatatag ng National Transportation Safety Board (NTSB) na tutugon sa mga aksidente sa sasakyan.

“As we express our deepest sympathies to the family of the Mindoro bus crash victims, we are enraged with the loss of lives due to events that could have been prevented,” sinabi kahapon ni Poe.

Aniya, patuloy na dumarami ang aksidente dahil na rin sa mga kapalpakan ng mga sasakyan, at minsan ay sa kapabayaan ng mga tsuper.