Ni Angelli Catan
Nakatitindig-balahibo na sound effects, mga nakakagulat na eksena at nakakatakot na manika ang ilan lang sa mga makikita sa isang horror film. Ang mga kinatatakutan ba natin ang dahilan ng mga takot natin sa buhay? O ang mga kuwentong ito ay hindi lang kathang-isip at mababasa sa libro, kundi totoo na?
Sa award-winning na pelikulang “Ghostland” (Incident in a Ghost Land), ipakikita sa atin kung bakit ito ang must watch horror film ngayong taon. Si Crystal Reed (Teen Wolf) ang gaganap na bidang aktres sa pelikula.
Ito ay tungkol kay Colleen at sa kanyang dalawang anak na babae, sina Beth (Reed) at Vera (Anastasia Philips), nang tumira sila sa isang lumang bahay na ipinamana sa kanila. Sa unang gabi nila roon ay pinasok sila ng mga kriminal na balak silang patayin. Ginawa ni Colleen ang lahat upang maprotektahan ang kanyang mga anak. Dahil sa pangyayaring ito ay na-trauma ang dalawang bata at nagdulot ito ng malaking pagbabago sa buhay nila.
Makalipas ang 16 taon ay isa nang sikat na horror author si Beth na may perpektong buhay at sariling pamilya sa Los Angeles. Si Vera naman ay hindi pa rin makalimutan ang nangyari at hindi nagkaroon ng maayos na buhay. Nagkita-kita silang tatlo sa kanilang bahay, na nananatiling tahanan nina Colleen at Vera. Ito ang naging simula ng mga kakaibang pangyayari sa loob ng bahay nila.
Nanalo ang “Ghostland” sa Horror and Science-Fiction Film Festival sa France ng Public Prize at Grand Prize sa 2018 Festival international du Film Fantastique de Gérardmer.
Hindi na makapaghintay ang director na si Pascal Laugier, na nagdirehe rin sa sikat na pelikulang “Martyrs”, na mapanood ng mas maraming tao ang “Ghostland.” Ayon sa kanya, tampok sa pelikula ang muling paglabas ng kanyang “darkest side.”
Ang ibang pang gaganap ay sina Emilia Jones (“Pirates of the Carribean: On Stranger Tides”), Anastasia Philips (“Lucky 7”), Taylor Hickson (“Deadpool”), at Mylene Farmer.
Ipapalabas ang “Ghostland” dito sa Pilipinas sa Marso 31 (Black Saturday), at ipinamahagi ng Axinite Digicinema.