Ni Mary Ann Santiago at Fer Taboy
Patay ang dalawa sa tatlo umanong holdaper na nakaengkuwentro ng mga pulis sa Maynila, nitong Martes ng gabi.
Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na inilarawang nasa edad 25-35, at kapwa armado ng calibre .38 revolver.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), nakipagbarilan ang mga suspek sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Manila sa follow-up operation sa likurang bahagi ng Philippine Postal Corporation (PhilPost), na matatagpuan sa Ermita sa lungsod, dakong 10:20 ng gabi.
Unang nakatanggap ng sumbong ang awtoridad mula sa magkasintahang sina Erica Mayores at Rizaldy Almosa, Jr., nakatira sa Alvarez Extension, Tondo, matapos silang holdapin ng tatlong armado na sakay sa isang motorsiklo sa Dapitan Street, kanto ng Lacson Avenue sa Sampaloc, dakong 9:20 ng gabi.
Sapilitan umanong kinuha ng mga suspek ang bag, na naglalaman ng cell phone at wallet na may P2,300 cash, ni Mayores.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng CIDG-Manila at namataan ang mga suspek sa Andalucia St., sa Sampaloc at nauwi sa engkuwentro.
Nakatakas ang isa sa mga suspek na pinaharurot ang motorsiklo.