Nina Alexandria Dennise San Juan at Martin A. Sadongdong
Nagdulot ng “climate fear” sa publiko ang pagsuspinde ng pamahalaan sa klase sa Metro Manila kahapon, ayon sa grupong Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), makaraang idahilan ng Malacañang ang banta ng panibagong transport strike.
Ayon kay PISTON President George San Mateo, ang motibo ng gobyerno sa pagsususpinde ng klase sa ikalawang sunod na araw ay “to fan hatred towards drivers” upang ipaliwanag ang pagtanggal sa kalsada ng mga lumang pampasaherong jeep.
Nag-isyu kahapon ang Malacañang ng Memorandum Circular No. 42 para suspendihin ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paarala sa Metro Manila “in view of the organized transport strike, and in order to minimize the inconvenience to the riding public.”
Nagsagawa ng tigil-pasada ang PISTON nitong Lunes, ang una ngayong 2018, bilang pagtuligsa sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng administrasyon, dahilan upang kanselahin din ang klase sa National Capital Region.
Sinabi ni San Mateo na ang desisyon ng administrasyon para sa ikalawang suspensiyon ay “illogical”, dahil inihayag na ng PISTON na isang araw lang ang strike.
“Ang Malacañang is spreading fake news maliciously and deliberately insinuating na may strike ngayon or anytime this week to confuse people and to fan hatred towards drivers. They are creating an atmosphere to justify crackdown,” sabi ni San Mateo.
Idinagdag niya na ang gobyerno ay nagiging bihasa sa pagpapalito, at pagbibigay ng pekeng balita at maling impormasyon sa publiko na mariin nilang kinokondena.
Samantala, isiniwalat kahapon ng Philippine National Police (PNP) na aantabayanan nito ang lahat ng strike na isasagawa ng iba’t ibang transport groups.
“Nakahanda po ang kapulisan [kung] anuman ang mangyari sa labas, lalo na sa napapabalitang maaaring magkaroon ng hindi magandang insidente sa transport strikes,” sabi ni Chief Supt. John Bulalacao, PNP spokesperson.