PAGKATAPOS ng problema sa pagtatapon ng basura at hindi kontroladong konstruksiyon at pagpapaganda sa isla ng Boracay nitong nakaraang buwan, naging agaw-atensiyon din sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), at sa Department of Tourism (DoT) ang iba pang magagandang tanawin sa bansa.
Ayon kay DoT Secretary Wanda Teo, malawakan din ang paglabag sa mga batas pangkalikasan sa mga isla ng Siargao sa Surigao del Norte, ang ating international surfing center. Idinagdag ni DENR Secretary Roy Cimatu ang mga isla ng Palawan at Panglao sa Bohol sa mga kilalang pasyalan ng mga turista na kinakailangang imbestigahan. Nababahala si Cimatu sa Subterranean River National Park sa Puerto Princesa, Palawan, dahil umitim na ang tubig dulot ng carbon pollution, sa kuwebang dinadaluyan ng ilog sa ilalim ng St. Paul Mountain Range.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng DENR Central Visayas na sinimulan na nito ang pag-iinspeksiyon sa mga resort at hotel sa Cebu, partikular na sa Mactan, sa Bantayan, Malapascua, at Camotes Island sa hilagang bahagi ng Cebu, at sa Moalboal at Oslob sa katimugang Cebu. Nadiskubre ng DENR na ang pinakakaraniwang paglabag ay ang kakulangan ng wastewater discharge permits.
Mistulang ang problema na nagbunsod upang ilarawan ni Pangulong Duterte ang Boracay bilang “cesspool” ay naglantad sa problema ng iba pang magagandang tanawin sa bansa. Bago pa man sumigla ang turismo ng bansa, may matinding problema na sa mga yamang tubig natin.
Taong 2008 nang ang makasaysayang Manila Bay ay naging sentro ng desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos sa 13 ahensiya ng gobyerno na linisin at isailalim ito sa rehabilitasyon dahil, base sa pahayag ni dating DENR Secretary at dating Manila Mayor Lito Atienza, ang lawa ay naging “one big sewer” dahil dumidiretso rito ang mga basura ng mga tao at mga pabrika sa Metro Manila at sa mga karatig probinsiya. Hindi naisakatuparan ang nasabing atas ng korte sa nakalipas na sampung taon. Kontaminado pa rin ang Manila Bay hanggang ngayon.
Nabatid na ng buong bansa ang problema sa polusyon nang dahil sa Boracay at desidido ang gobyerno na ipasara ito, posibleng sa loob ng isang taon base sa rekomendasyon ng DENR, ng DoT, at ng Department of Interior and Local Government. Dapat nang kumilos ang mga lokal na pamahalaan sa bansa at alamin ang lagay ng kanilang mga yamang tubig at ang kani-kanilang tourist sites, upang malaman kung nagkulang sa pagpapatupad ng mga patakaran sa pagpapatayo ng mga istruktura at tamang pagtatapon ng basura.
Kinakailangang magsikap ang mga lokal na pamahalaan upang alamin ang kanilang problema bago ito lumala tulad ng nangyari sa Boracay, ang pinakasikat na dinadayo ng mga turista, na kinakailangan nang isara para sa rehabilitasyon.