Ni Beth Camia, Jeffrey Damicog, at Mary Ann Santiago

Inatasan ng Department of Justice (DoJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon at case build-up kaugnay ng sunog sa Waterfront Manila Pavilion sa Ermita, Maynila nitong Linggo, na ikinasawi ng limang tao.

Lunes nang inisyu ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang Department Order (DO) No. 160 at binigyang direktiba ang NBI na maglunsad ng masusing pagsisiyasat kaugnay ng insidente.

Pinatutukoy ni Aguirre sa NBI ang mga ebidensiya at ang sanhi ng sunog sa hotel, gayundin ang posibleng pananagutang kriminal, sibil at administratibo ng alinmang ahensiya, opisina at mga tanggapan ng pamahalaan gayundin sa mga may-ari, manager at empleyado ng Manila Pavilion.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sakaling matukoy ang may sala, inaatasan din ng DoJ ang NBI na magsampa ng kaukulang kaso.

Ayon kay Supt. Jonas Silvano, District Fire Marshal ng Manila-Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) area, na isinasailalim umano sa renovation.

Kinilala naman ni PAGCOR Assistant Vice President for Corporate Communications Carmelita Valdez ang mga nasawi na sina Edilberto Evangelista, Marilyn Omadto, Billy Rey de Castro, John Mark Sabido, at Jon Cris Banang.

Sinimulan na rin ng BFP ang ocular inspection sa hotel upang matukoy ang sanhi ng sunog.

Unang sinuri ng mga tauhan ng BFP ang ground floor ng gaming section ng casino area.

Target ding makumpirma kung gumagana ang water sprinkler at fire alarm ng hotel, na naunang napaulat na depektibo.

Plano rin ng mga awtoridad na isailalim sa DNA examination ang labi ng isang “natustang” bangkay na nakuha sa loob ng nasunog na bahagi ng hotel.

Sinabi ng BFP-Manila na hindi na makilala ang sunog na sunog na bangkay, na sinasabing kay Jocris Banang, ang operator ng CCTV camera na natagpuan sa ilalim ng data video recording equipment.

Sa taya ng mga awtoridad, aabot sa P150 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa sunog.