Ni Genalyn D. Kabiling

Ipinawalang-bisa ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagkaka-dismiss sa kaso ng mga high-profile drug suspects na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim at iba pa at pinahintulutang “wide open” ang kaso para sa karagdagang ebidensiya.

Sa pagdalo sa pulong balitaan sa Palasyo, sinabi ni Aguirre na nag-isyu siya ng department order na nagbabalewala sa dismissal ng kaso upang bigyang-daan ang panibagong imbestigasyon kasunod ng aniya’y “nationwide uproar” at “backlash” sa kontrobersiya.

“Since I already exercised my power under the automatic review, I issued an order yesterday (Monday) vacating the dismissal of the case—so much so that there is no such dismissal anymore,” ani Aguirre.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“I ordered that the case be ordered wide open for both parties—the complainants and the respondents to file whatever evidence they have in support of their respective position,” dugtong ng kalihim.

Paglilinaw ni Aguirre, ang nakabimbing motion for reconsideration bago ang power of automatic review ay itinuturing ngayong “moot and academic”.

Ayon kay Aguirre, nagtalaga na ng bagong prosecution panel upang rebyuhin ang drug case laban kina Espinosa, Lim, at iba pang suspek.

Siniguro pa ng kalihim na hindi mauuwi sa aniya’y “back to zero” ang naturang kaso at sinabing may pagkakataon ang prosekusyon na palakasin ang kaso laban sa mga drug suspect.

Matatandaang inulan ng batikos ang DoJ sa pagkakabasura ng kaso laban sa mga nabanggit na hinihinalang drug lord, at nanawagan ang ilang personalidad at sektor ng pagbibitiw sa puwesto ni Aguirre.