Ni Reggee Bonoan

DAHIL sa McDonald’s National Breakfast Day ay nakilala na namin ang ibang talents sa ALL KAPS talent management agency ni Noel Ferrer. Umabot na pala sila sa 28 artists na magkakaiba ang linya.

Team ALL KAPS copy

Si Ryan Agoncillo ang panganay na alaga ni Noel na sinundan nina Edgar Allan Guzman, Iza Calzado, Joross Gamboa, Vin Abrenica, Jomari Angeles, Atom Araullo at ang unang Filipina weightlifter silver medalist na si Airwoman First Class Hidilyn Diaz.

'Sarap sa pakiramdam!' Kiray mahal na mahal, never niloko ng jowa

Nagulat kami nang mabungaran namin sa McDonald’s Madison branch ang mga alaga ni Noel na ang dami-dami na pala.

Pinanghahawakan kasi namin ang sinabi niya noon na, “Ayoko ng marami, kapatid, mahirap, baka hindi ko matutukan.”

Kaya ang tanong agad namin, ano’ng nangyari at dumami na?

“Totoo naman ‘yung sinabi ko, pero hindi ko naman mahindian lahat kasi mga kapamilya’t kapatid na rin saka hindi naman sila mga alagain, may sari-sarili silang handlers and they pay for it. Ako lang, supervision lang and well, hanapan sila ng projects, then handlers na nila ang tumututok. Saka career path na rin at gusto ko lahat nag-aaral, ayoko ng walang ginagawa,” paliwanag ni Noel.

Ang kahulugan ng ALL KAPS (kapatid para sa ‘kaps’) na pangalan ng talent management agency niya ay ‘lahat magkakapatid’.

Mahigit dalawang dekada na ang malalim na pagkakaibigan namin ni Noel at hindi namin itatago na marami na kaming pinagdaanang mga isyu na umabot sa hindi pag-iimikan, pero nareresolba naman dahil sabi nga niya, “pagtanda natin kapatid, tayu-tayo ang magpapalitan ng ulam.”

Hindi nakarating sa McDonald’s National Breakfast Day si Ryan na dumalo raw sa kasal nina Joey de Leon at Eileen Macapagal at nasa shooting naman ng pelikula sina Jomari at Vin. May pasok si Victor Neri na naglilingkod sa gobyerno ngayon (hindi nabanggit ni Noel kung ano ang posisyon).

Naroon naman sina Akihiro Blanco, Joanna Ampil, Joaquin Valdes, Arman Ferrer, DJ Myke Salomon, Reuben Laurente, Marco Alcaraz, Richard Quan, Adrienne Vergara, Mitch Valdez at Ruby Ruiz.

Kasama rin sina Kuya Kim Atienza, Lara Quigaman, Vivo Oauno, Chris Leonardo, Rocco Nacino at Chef Myke ‘Tatung sa #ALLKAPS talents.

Pinakabago sa kuwadra niya si Joanna at si Joaquin na paalis for Miss Saigon UK at si Arman Ferrer.

Nalaman din namin na ang crime drama movie na Citizen Jake ni Atom na pinakabagong pelikula ng legendary filmmaker na si Mike de Leon ay hindi maipapalabas sa commercial theaters dahil anti-political ito at ayaw namang putulan ng MTRCB dahil maganda ang flow ng kuwento.

Kaya sa UP Film Center lang ito mapapanood. Nagsimula na ang showing ng Citizen Jake noong Marso 10, 13 at magkakaroon ulit sa Biyernes, Marso 23, 7 PM.