Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Isang record-high percentage ng mga Pilipino ang nagsabing napakasaya at kuntento sila sa buhay, ayon sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Base sa resulta ng survey na isinagawa noong Disyembre 8-16, 2017, lumitaw na record-high na 94 na porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nagsabing sila ay "very/fairly happy" sa kanilang buhay sa pangkalahatan, at record-high na 92% naman ang "very/fairly satisfied" sa buhay.

Sa 94% na very/fairly happy sa buhay, 57% ang napakasaya, 37% ang “fairly happy”, 5% ang “not very happy”, at 1% lang ang “not at all happy”.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ito ay apat na puntos na mas mataas sa 90% very/fairly happy noong Setyembre 2017, at mataas ng dalawang puntos sa huling highest record na 92% noong Hunyo 1996.

Ang 57% sumagot na sila ay "very happy" ay record-high mula sa nakalipas na record na 46% noong Disyembre 2016.

Ayon sa SWS, ang kasayahan /happiness (percent very happy at percent fairly happy) ay laging mataas simula sa 85% sa unang survey ang SWS noong Hulyo 1991, sa tanong na “If you were to consider your life in general these days, how happy or unhappy would you say you are on the whole?”

Ang pinakamababang naitalang porsiyento ng kaligayahan ay nasa 78% noong Marso 2001.

Samantala, naitala rin ng SWS ang record-high 92% ng mga Pilipino na nagsabing sila ay "very/fairly satisfied with the lives they lead."

Sa katanungan na "On the whole, are you very satisfied, fairly satisfied, not very satisfied or not at all satisfied with the life you lead?”, isang record-high na 56% ang sumagot ng “very satisfied”, 37% ang “fairly satisfied”, 6% ang “not very satisfied”, at 1% naman ang “not at all satisfied”.

Kung lugar ang pagbabasehan, natukoy sa December 2017 survey results na may siyam sa 10 na lahat na lugar ang masaya: pinakamataas sa Mindanao sa 96%, sinundan ng Luzon sa 95%, Visayas sa 94%, at Metro Manila sa 90%.

Pinakamataas naman ang unhappiness sa Metro Manila sa nakuhang 10%, kasunod ang Visayas sa 6%, Luzon sa 5%, at Mindanao sa 4%.