Ni Mary Ann Santiago, Leonel M. Abasola, at Jeffrey G. Damicog

Nagdaos ng tinaguriang “wig protest” ang mga miyembro ng Akbayan Party-list sa harapan ng Department of Justice (DoJ) sa Maynila kahapon upang hilingin ang pagbibitiw sa puwesto ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.

Suot ng nasa 60 raliyista ang makukulay na wig nang magsagawa ng kilos-protesta laban sa anila’y pekeng hustisya, sa tapat ng tanggapan ng DoJ sa Padre Faura Street sa Ermita, Maynila, dakong 10:00 ng umaga.

Hinihiling ng grupo ang pagbibitiw sa puwesto ng kalihim kasunod ng pagkakabasura ng DoJ sa drug case laban sa mga high-profile drug suspect na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim, at sa pagsasailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng tinaguriang “pork scam queen” na si Janet Lim-Napoles.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

‘CODDLER OF DRUG LORDS, SCAMMERS’

“Secretary Aguirre is a coddler of dictators, drug lords and scammers. In a week, he freed confessed drug lords Espinosa and Lim and then gave witness protection to big time pork barrel scammer Janet Lim Napoles,” sabi ni Shamah Bulangin, convenor ng grupong kabataan na Youth Resist.

Kasabay nito, muli ring nanawagan kahapon si Senador Risa Hontiveros para sa agarang resignation ni Aguirre, na una na niyang iniapela noong nakaraang taon kaugnay ng pag-discredit umano ng kalihim sa mga testimonya ng testigo sa kaso ng pagpatay ng ilang pulis sa 17-anyos na si Kian delos Santos.

‘UNDESERVING’

“Even then, I already knew that Mr. Aguirre was undeserving of his post. Mr. Aguirre is a manufacturer and peddler of fake news. He is a cook of fake cases. And now, a reliable friend of criminal masterminds, extrajudicial killers and drug lords,” ani Hontiveros.

Resignation din ni Aguirre ang iginigiit ni Fr. Nonong Fajardo, convenor ng Huwag Kang Magnakaw Movement (HKM), at pinuno ng Public Affairs Ministry ng Archdiocese of Manila.

“Sa mga senadores at congressmen, si Kerwin ang simbolo ng institutionalized drug smuggling at si Janet naman ang institutionalized corruption,” sinabi ni Fajardo sa panayam ng Radyo Veritas. “Nasaan po kayo ngayon para magtanggol sa bayan? At si Gen. Bato (PNP Chief Director Gen. Ronaldo dela Rosa), mukha pong tagapagkalinga kayo ng drug lord and corruption.”

Kinuwestiyon din ni Fajardo ang pagiging state witness ni Napoles, na ayon sa pari ay mismong utak ng P10-bilyon pork barrel scam—na dahilan ng pagkakatatag sa HKM.

AYAW TALAGA

Sa kabila ng lahat ng ito, nanindigan din ni Aguirre na hindi siya magbibitiw sa puwesto.

“We respect the valid exercise of freedom of assembly and expression,” saad sa text message ni Aguirre sa media kaugnay ng wig protest ng Akbayan. “However, I will remain for as long as he enjoys the trust and confidence of the President.”