Ni Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

7:00 n.g. -- Magnolia vs NLEX

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

TAPUSIN ang serye at tuluyan nang makausad sa kampeonato ang tatangkain ng Magnolia sa pagsabak muli ngayong gabi kontra NLEX sa Game 6 ng kanilang best-of-7 semifinals series para sa 2018 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Nakamit ng Hotshots ang 3-2 bentahe sa serye matapos ang 87-78 panalo sa Game 5 nitong Linggo sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Para kay Hotshots coach Chito Victolero, susi ng panalo ang itinuturing na lakas ng koponan ang kanilang depensa.

Gayunman, kinakailangan pa nila ng isang kahalintulad na laro upang ganap na makapagsaya.

“We needed to go to our strength, which is our defense,” wika ni Victolero. “Nanalo kami Game Three, but that wasn’t our game.”

“But wala kaming dapat i-celebrate ngayon eh! We need four wins to go to the finals,” aniya. “May konting advantrage lang kami na nanalo kami ngayon, pero hindi pa tapos yung series.”

Sa kabilang dako, pangunahing paghahandaan ng Road Warriors ang posibilidad ng pagkawala ng isa nilang key player sa krusyal na Game 6 matapos magtamo ng injury sa Game 5 si Gilas mainstay Kevin Alas habang nag-drive sa harap ng depensa ni Paul Lee my 40 segundo pa lamang ang nakakalipas sa first period.

Habang sinusulat ang balitang ito, sumasailalim na si Alas sa pagsusuri ng tanyag na orthopedic surgeon Dr. George Raul Canlas.

Pero bukod sa kondisyon ni Alas, hiniling din ni coach Yeng Guiao na repasuhin ng tanggapan ng Commissioner ang nangyaring officiating noong Game 5.

“Pagdating ng fourth quarter hindi kami makabuwelo, sobrang dami ng bad calls. Yun ang pumatay sa amin,” pahayag ni Guiao.

“We will talk to the commissioner and the technical committee. I think kailangan i-review nila yung mga lahat ng masamang tawag because that cost us the game,” dagdag pa nito. “Kailangang balikan kasi napaka-importante ng Game Six or kung magka-Game Seven ayaw nating ang resulta ng laro ay ma-decide ng bad calls.”

“Dikdikan naman e, kahit wala si Kevin. We put up a good fight, all the way to the fourth quarter.”

“Pero mahirap ngang makabuwelo kung may may bad calls going against us. Psychologically, mabigat na imanage yung frustration doon sa mga nangyari,” paliwanag ni Guiao.

Matagal nang suliranin sa liga ang inconsistent na tawagan.