Ni Ric Valmonte
NAGRESIGN noong Marso 5 bilang chair ng National Youth Commission si singer at batang actor na si Ice Seguerra.
Isa’t kalahating taong nanungkulan siya dito. Diretso niyang ipinaabot kay Pangulong Duterte ang kanyang pagbibitiw upang, aniya, ay maiwasan ang mga haka-haka. Nangampanya siya para sa Pangulo noong nakaraang halalan. Bagamat hindi niya idinetalye ang dahilan ng kanyang pagbibitiw, nag-iwan siya ng mensahe sa kanyang Facebook para sa kabataan: “Kayo ang puso ng lipunan na dapat kayong marinig. Hati ang lipunan ngayon at hinihiling kong pamunuan ninyo ang bansa upang pagisahin ang ating mamamayan. Lagi kayong mabait at mapagkumbaba.” May pinaghuhugutan si Seguerra. May katagalan din siyang naupo bilang NYC chairperson para malaman at maintindihan ang nangyayari sa ating bansa. Sa isang taon at kalahati na nanungkulan siya, napagtanto niya ang mga mabigat na problema ng bansa na naging dahilan ng pagkahati-hati ng taumbayan at kahalagahan ng papel ng kabataan sa paglutas ng mga problemang ito para muling mapag-isa ang sambayanan.
Pero, bakit niya pinaalalahanan ang mga kabataan na lagi silang mabait at mapagkumbaba? Bumagsik na kasi ang mga kabataan at mag-aaral. Bakit hindi naman sila magkakaganito ay may mga kapwa silang napaslang na sa pagpapairal ng war on drugs ng adminstrasyong minsan niyang pinaglingkuran. Pilit na ibinabalik ang nakaraan nang ang bansa ay nilukuban ng kadiliman na ang mga biktima ay mga kapwa nila kabataan. Sila na rin sa kanilang sariling panahon ngayon ang matinding pinipinsala ng ganitong uri ng kabuktutan.
Dapat marinig ang mga kabataan, ayon kay Seguerra. Tama siya sapagkat ang kinabukasan ng bansa ay kanila na.
Kumikilos na sila. Lumalabas na sila sa kanilang eskwelahan, laman na sila ng kalye at maging ng larangan ng labanan. Sa libro at paskil nila ipinahahayag ang kanilang hinaing at pati sandatang nakamamatay ang kanila nang tangan. Tignan ninyo ang mass communication graduate ng University of the Philippine-Cebu na nakikipag-isa sa mga dukha sa kasuluksulukan ng bansa na malayo sa sibilisasyon. Inoorgansa niya at pinag-iisa ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang grupo ng mahirap upang maging malakas sa pagtatangol ng kanilang karapatan at karangalan.
Sila iyong mga inaagawan ng lupa at tirahan na minana nila sa kanilang mga ninuno. Dinakip siya at ang kanyang mga kasama dahil mga komunista daw sila. Hindi lang komunista kundi terorista ang turing sa mga kabataan tulad ng mag-aaral na ito, kaya sila minamanmanan ng militar. Ang ginagawa ng militar ay gumagawa ng grupo rin ng mga estudyante upang maging espiya nila laban sa mga kapwa nila estudyante. Ito ang reklamo ni Kristine Cabardo, pinuno ng League of Filipino Students (LFS) sa northern Mindanao. Inireklamo rin niya ang pagkalat ng mga sundalo sa mga campus ng mga eskwelahan. Regular na nagpapatrol, aniya, ang mga sundalo sa campus ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi. Ang ibang estudyante daw sa MSU Iligan Institute of Technology ay umamin sa kanya na bahagi sila ng Student Intelligence Network.
Pero, ang mahalaga, hindi natatakot ang mga kabataan. Sa panahon ngayon na walang ipinagmamalaki ang mga gobyerno kundi tapang at karahasan, mahirap marahil sundin ang payo ni Seguerra sa mga kabataan na maging mabait sila at mapagpakumbaba.