Ni Mary Ann Santiago at Beth Camia

Sinuspinde ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang pasok sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod, dahil sa transport strike na ikinasa kahapon ng grupong Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nations (PISTON).

Dakong 5:00 ng umaga nang ihayag ng alkalde ang class suspension upang hindi na mahirapan sa biyahe ang mga mag-aaral na posibleng maipit sa tigil-pasada.

Una nang sinuspinde ng Malacañang ang lahat ng klase sa buong Metro Manila dahil sa transport strike.

National

Hontiveros, walang nakitang blangko sa 2025 budget

Kaugnay nito, naghayag din ng early dismissal sa lahat ng korte sa buong bansa ang Korte Suprema kahapon, na naging epektibo ganap na 2:00 ng hapon.

Layunin ng utos ni acting Chief Justice Antonio Carpio na iiwas ang mga empleyado ng korte sa abalang dulot ng tigil-pasada.

Ayon sa PISTON, may 60,000 jeepney driver ang nagtigil-pasada kahapon para tutulan ang modernization program na ipinaiiral ng pamahalaan.

Hindi pa man natatapos ang araw ay nagbanta na naman ang PISTON na muling maglulunsad ng panibagong strike kung patuloy na hindi didinggin ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing.