Ni REGGEE BONOAN
NAPAHANAY ang pangalan ni Joshua Garcia sa pawang mahuhusay na mga nominado sa 2nd Eddy’s Award ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) para pagganap niya sa pelikulang Love You to the Stars and Back na idinirehe ni Antoinette Jadaoneunder Star Cinema.
Dalawang beteranong aktor ang katunggali ni Joshua, sina Ronaldo Valdez at Aga Muhlach para sa Seven Sundays, award-winning ang indie actor na si Edgar Allan Guzman para sa Deadma Walking at ang baguhan ding aktor at sikat na musikerong si Abra para sa Respeto.
Ang ganda ng ngiti ni Joshua nang hingan namin ng komento sa set visit ng seryeng The Good Son kahapon sa Tivoli Royale Clubhouse.
“Nagpapasalamat ako kasi nominated ako ro’n,” saad ng binata at nang binanggit naming siya ang pinakabata sa mga nominado bukod kay Abra, “Yes, doon pa lang, award na, para na akong manalo.”
Samantala, paspasan ang taping ng cast ng The Good Son dahil bago mag-Holy Week ay kailangang tapos na sila para matuloy sila sa kanya-kanyang lakad.
Napilit naming sumagot ang aktor kung saan siya magbabakasyon sa Semana Santa.
“Sa Bali (Indonesia),” at sabay ngiti nang usisain namin kung sino ang kasama niya.
Hmmm, kailangan pa bang i-memorize ‘yun... malamang si Julia Barretto na special someone niya.
Samantala, nagkuwento si Joshua na sa ilang buwang taping ng The Good Son ay tumibay nang husto ang samahan nilang magkakasama sa cast.
“Iba na ‘yung samahan naming lahat kasi sa lahat ng eksena ay nagtutulungan kami, mapa-drama, kahit ano pa ‘yan. Walang kumpetensiya sa amin, sobrang wala. Para sa akin walang kumpetisyon sa bawat isa kasi may kanya-kanya kaming highlights. Binibigyan kami ng sarili naming eksena at ang maganda po sa amin, kapag eksena ng isa, ibinibigay talaga namin. Hindi kami nanga-agaw ng eksena at nandiyan po ang direktor kung para kanino ang eksena,” kuwento ng young actor.
Pinupuri ng mga kritiko ang mga batang artista sa TGS na binubuo nina Joshua, Nash Aguas, McCoy de Leon at Jerome Ponce dahil nakakasabay sila sa mga beteranong artista.
“Masaya ako kasi talagang nagiging successful ‘yung show kasi lahat nagkakaroon ng sariling story, lahat nakikilala, masaya ako para sa buong cast ng The Good Son,” say ng binata.
On-going pa rin ang taping ng serye kaya hindi pa rin alam maging ng cast mismo kung sino ba talaga ang pumatay kay Victor Buenavidez (Albert Martinez).
“Wala na pong bagong karakter na papasok sa show, sa Biyernes (Marso 23) na po malalaman,” saad pa ng binata.
At tungkol naman sa kapartner niyang si Loisa Andalio, inamin ng binata na okay na sila at nagkakausap na sila na hindi tulad dati na nagkakailangan sila.
“Kinausap po kami ng production na dapat maging maayos kasi nakikita raw na ilag kami sa isa’t isa kapag pini-preview ‘yung scene, so nu’ng kinausap po kami, okay na lahat. Maski walang eksena okay na kami ni Loisa, dati kasi kapag may eksena lang kami nag-uusap,” kuwento ng mahusay na young actor.