ISANG buwan makaraang 17 katao ang mapatay sa pamamaril sa isang eskuwelahan sa Parkland, Florida, nagsama-sama sa lansangan sa kani-kanilang bayan at siyudad ang mga estudyante ng nasa 3,000 paaralan sa Amerika nitong Miyerkules upang magdaos ng kilos-protesta laban sa gun violence sa mga eskuwelahan sa Amerika.
Matapos na ratratin at patayin ng isang dating estudyante ang 14 na mag-aaral at tatlong guro sa Marjory Stoneman Douglas High School, muling uminit ang dati nang debate ng mga opisyal ng pamahalaan ng Amerika kung ano ang dapat gawin sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga armas na tanging mga sundalo ang gumagamit sa mga bakbakan. Sinabi ni President Donald Trump na ang problema ay may kinalaman sa usapin sa sakit sa pag-iisip. Naglahad siya ng ilang mungkahi, kabilang ang pag-aarmas ng mga guro upang maprotektahan ang kani-kanilang estudyante. Binanggit din niya ang tungkol sa pagtatakda sa 21 taong gulang para sa pinakabatang maaaring bumili ng baril.
Subalit sa lahat ng nakalipas na insidente ng pamamaril sa mga paaralan, lumipas na ang isang buwan nang wala pa ring anumang aksiyon ang Kongreso sa usapin. Pinagtibay ng Kamara de Representantes ang batas na nagpapahintulot ng federal grants na nagkakahalaga ng kabuuang $50 million kada taon upang magkaloob ng ayuda sa mga eskuwelahan at sa lokal na pulisya para sa pagsasanay, reporting systems, pagtukoy sa mga banta, pagkakaroon ng grupo para sa intervention, at ugnayan ng paaralan at pulisya. Subalit walang anumang aksiyon sa limitasyon sa armas; wala rin sa pagbabawal sa bentahan ng matataas na kalibre ng armas sa mga sibilyan; wala rin sa mungkahing limitahan sa mga 21 taong gulang pataas ang bentahan ng baril.
Isinulong ng Florida State Legislature ang panukala nito upang dagdagan ang edad ng pahihintulutang bumili ng baril at nilagdaan ito ng state governor. Subalit kaagad na kinastigo ng National Rifle Association — isang makapangyarihang organisasyon na tumututol sa anumang pagsisikap upang malimitahan ang karapatang magmay-ari ng armas sa Amerika — ang Florida state government.
Nagsagawa ng mga kilos-protesta ang mga estudyante sa iba’t ibang siyudad sa Amerika ngayong linggo, mula sa Los Angeles hanggang sa New York hanggang sa Boston, hanggang sa Washington DC. Kasama nila ang kani-kanilang magulang at guro sa pagpapahayag ng kanilang pagkadismaya sa pagkamatay ng maraming estudyante sa nakalipas na mga taon at ng kanilang galit sa kawalang aksiyon ng pamahalaan.
Nagprotesta ang mga estudyante makalipas ang isang buwan bago pa man magdulot ng pagbabago ang Florida massacre sa pananaw ng mga Amerikano sa gun violence at gun control. Subalit malabong kumilos sa ngayon ang US Congress para pagtibayin ang isang batas na magbibigay ng limitasyon sa pagmamay-ari ng baril.
Posibleng magkaroon ng isa pang mass shooting — maaaring tatlo o apat na buwan mula ngayon, kung pagbabatayan ang mga datos ng mga nakalipas na parehong insidente — at muling magdaraos ng mga protesta at rally. Subalit malabong mangyari ang agarang tunay na pagbabago sa ngayon.