Ni Clemen Bautista
ISA sa nagbibigay-tingkad, kulay at kahulugan sa paggunita (hindi pagdiriwang) ng Kuwarsma lalo na kung Semana Santa ay ang pagpipinetensiya o pagpaparusa sa sarili. Sa Ingles, ang tawag sa kanila ay flagellants. Ang penitensiya ay laganap sa iniibig nating Pilipinas at marami ang nagsasagawa nito. Sa ating makabagong panahon kahit hindi Semana Santa ay marami tayong kababayan ang nagpipinetensiya. Sila ang mga sumasakay sa tren ng MRT.
Nagsisimula sa pagpila hanggang sa pagtirik ng tren. Penitensiya ang libong pasahero na bumababa at naglalakad sa riles ng tren kahit kumakagat sa balat ang mainit na sikat ng araw.
Ayon sa mga nagpipinetensiya, ang penitensiya ay isang panatang kanilang dapat tuparin at sila’y may paniwalang ito’y isang paraan ng paglilinis ng mga kasalanan o pagbabayad-sala. Naipangako naman ng iba ang penitensiya nang sila’y magkaroon ng mabigat na karamdaman o kapahamakan na kanilang naligtasan. May naniniwla rin na ang pagpepenitensiya ay isang kaugaliang pasalin-salin na namana ng nagpepenitensiya sa kanilang mga ninuno at magulang.
Maraming anyo at uri ang penitensiya. May nagpepenitensiya na tinutularan si Kristo. Naka-tunika o nakadamit na kulay purple o violet at may koronang tinik sa ulo. Ang korona ay ipinulupot na baging ng halamang Makabuhay.
Nagpapasan ng krus, nakatapak o walang sapin sa paa (barefooted). Kung minsa’y naka-step in na pasipit. Ang iba ay naglalakad mula sa harap ng simbahan ng Quiapo hanggang sa sumapit sa isang bayan. May dumadapa sa harap ng Simbahan at doon nila tinatapos ang kanilang penitensiya.
Ang ibang nagpepenitensiya ay hubad-baro at habang naglalakad ay pinapalo ang kanyang likod ng pinagsama at inalian na ginupit na interior na goma ng gulong ng sasakyan. Nagdurugo ang likod sa paulit-ulit na paghampas. Ang penitensiya ay tinatapos sa paliligo sa ilog o dagat. May nagpepenitensiya naman na may suklob na damit na kulay itim sa ulo at naglalakad sa kalsada kahit tanghaling tapat.
Sa Cainta, Rizal na kilala sa pagkakaroon ng mahusay na pangkat ng Senakulista o mga nagsasagawa ng Sinakulo ay may naiibang uri ng penitensiya. Ginagawa tuwing Huwebes Santo at Biyernes Santo. Tinatawag na Senakulo sa Daan. Isang nakadamit ng Kristo ang nagpapasan ng krus. May kasamang ilang lalaking nakadamit-Hudyo at may nakadamit na kawal -Romano. Gumagala sa daan. Sa bawat kanto ng ng bayang napiling pagdausan ng penitensiya, tumitigil nang ilang minuto. Nagdaraos ng maikling dula na hango sa buhay ni Kristo. Isang halimbawa ay ang pagdadala kay Kristo sa harap ni Pilato. Nagkakaroon ng maikling paglilitis. Nagkakaroon ng palitang kuro. May nagtatanggol kay Kristo at may sumisigaw naman na parusahn at ipako sa krus ang Kristong naghahasik ng kasinungalingan sa mga mamamayan.
Palibhasa’y hango sa Pasyon, patula ang usapan o dialogue ng mga Hudyo at ni Pilato.
Matapos igawad ni Poncio Pilato ang hatol kay Kristo, ang nakadamit-Hudyo ay magsisimula nang magparusa sa Kristong may pasan krus. May nanlilibak, may pumapalo sa likod ng Kristo. May sumusuntok, sumisipa hanggang ang Kristo’y madapa at masubasob. May dalawang Hudyo na palitan ng palo sa likod ng Kristo. Matapos itindig si Kristo at ang krus, magpapatuloy sa paglakad upang muling gawin ang nasabing tagpo sa ibang lugar. Apat na katao ang nagpapalitan sa pagganap ng Kristo.
Ang penitensiya ng mga taga-Cainta, Rizal ay tinutumbasan naman ng mga mamamayan lalo na ng mayayaman ng limos na salapi. Ang salaping nalikom sa penetensiya ay ginagamit sa pagbili at pagpapagawa ng mga damit na gamit sa Sinakulo at pagpepenitensiya kung Semana Santa.
May pagkakataon pa kung minsan na kapag ang pangkat ng nagpepenitensiya ay inabot ng pananghalian sa tapat ng bahay na may Pabasa ng Pasyon, doon na pinakakain nang libre. Pagkatapos niyon ay magpapatuloy sila ng penitensiya hanggang sa malibot ang buong bayan. Ayon sa mga kasama sa penitensiya, isang panata at pangako nila ang magpenitensiya sa panahon ng Semana Santa. Marami sa mga nagpepenitensiya ay kasapi sa pangkat ng mga Senakulista.