Ni Mary Ann Santiago

Unti-unting nadadagdagan ang mga bumibiyaheng tren ng Metro Rail Transit (MRT)-3, na indikasyong bumubuti na ang serbisyo nito.

Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), nakapag-deploy na ang MRT ng 12 tren kahapon ng umaga, dalawang buwan makaraang walong tren lamang nito ang bumiyahe.

Ipinagmalaki rin ng DOTr na umikli na ang oras sa pagitan ng mga biyahe at oras ng paghihintay ng mga pasahero na hanggang pitong minuto na lamang, dahil na rin sa dagdag na tren.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Nilinaw naman ni Aly Narvaez, media relations officer, na dumami ang mga bumibiyaheng tren nang mapalitan nila ang mga spare parts nito.

Sa ngayon, aniya, ay nasa 70 porsiyento na ng mga biniling spare parts ang dumating sa bansa at sinisimulan nang ikabit sa mga tren.

Kumpiyansa naman ang MRT na madadagdagan pa, at maaaring umabot sa 15, ang bumibiyaheng tren ng MRT pagkatapos ng Semana Santa, kung kailan isasailalim nila ang mga ito sa maintenance.