Ni Niño N. Luces
CAMP OLA, Legazpi City – Napinsala ang service vehicle ng isang radio commentator sa Legazpi City, Albay nang isang hindi pa batid na uri ng granada ang sumabog kahapon ng madaling-araw, habang nakaparada ang sasakyan malapit sa bahay ng mamamahayag.
Ayon kay Senior Insp. Emmanuel Ramos, information officer ng Albay Police Provincial Office (PPO), bandang 1:15 ng umaga kahapon at mahimbing na natutulog ang may-ari ng Toyota Hilux pick-up na si Hermogenes Alegre, Jr. y Batciancila nang magising ang kanyang anak na si Mark Angelo Alegre sa narinig na pagsabog malapit sa kanilang bahay at kaagad na ginising ang ama.
Si Alegre ay mas kilala bilang “Jun Alegre” sa kanyang pang-umagang programa na “Zagitsit Ratsada” sa Zagitsit News FM. Si Alegre ang may-ari at nangangasiwa sa nasabing radio station.
Ayon kay Senior Insp. Ramos, matapos ang pagsabog ay nadiskubre ng mag-ama na napinsala ang pick-up, gayundin ang kalapit nitong Mitsubishi Lancer.
Narekober sa lugar ng pagsabog ang mga sumabog na piraso ng hindi pa tukoy na granada, habang iniimbestigahan pa ang motibo sa insidente.
Hindi pa naglalabas ng pahayag si Alegre sa insidente
Agosto noong nakaraang taon nang nakaligtas ang radio broadcaster na si Carlos Sasis, nang tangkain siyang pagbabarilin sa parking lot ng istasyon ng Zagitsit News FM.
Pinagbabaril ng mga hindi nakilalang suspek ang kotseng sinasakyan ni Sasis, anchor naman sa programang “Dos Manos”.