Ni Clemen Bautista
SA liturgical calendar ng Simbahan, ngayong ika-19 ng Marso ay ginugunita at ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Jose, ang esposo ng Mahal na Birheng Maria, ama-amahan ng Dakilang Mananakop, at patron ng mabubuting ama ng tahanan at ng mga manggagawa.
Bahagi ng pagdiriwang ang misa sa mga simbahan na susundan ng prusisyon kasama ang mga deboto at may panata kay San Jose. Sa panahon ng Kuwaresma, ang kapistahan lamang ni San Jose ang ipinagdiriwang.
Ang kapistahan ni San Jose ay dalawang beses na ipinagdiriwang sa loob ng isang taon. Ang una ay tuwing ika-19 ng Marso, at ang pangalawa ay tuwing unang araw ng Mayo, Araw ng mga Manggagawa.
Bago sumapit ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose, bahagi ang siyam na gabing nobena kay San Jose. Ang nobena ay nagsisimula ng Marso 10 at natatapos ng ika-18 ng Marso. Sa ibang parokya, ang nobena kay San Jose ay ginagawa sa mga simbahan. Sa Angono, Rizal, ang nobena-Rosario Cantada para kay San Jose ay ginagawa sa bahay ng hermana-mayor ng samahan o kapatiran kay San Jose.
Ngayong 2018, ang nobena-Rosario Cantada ay ginawa sa bahay ng hermana na si Gng. Lumen Villones-Fuentes sa Barangay Sto Niño. Sa harap ng kanilang bahay ay nagtayo ng isang munting kapilya, naroon ang imahen ni San Jose na nakahiga. Kasama ang imahen ng Mahal na Birhen at ni Jesus at ng ilang anghel. May nobena rin sa bahay ni G. Intong Villamar sa Bgy. San Roque.
Sa araw ng kapistahan ni San Jose, nagluluto at naghahanda ng pagkain para sa mga dumalo sa nobena-Rosario Cantada at sa mga deboto ni San Jose. Sa bahay ni G. Intong Villamar ay may Pabasa ng Pasyon para kay San Jose. Ang mga imahen ni San Jose ay pawang century-old na at namana sa kanilang mga ninuno.
Ayon kay Gng. Lumen Villones Sulit, ang imahen ni San Jose, kasama ang imahen ng Mahal na Birheng Maria, ni Jesus at ng ilang anghel ay namana sa lahi ng pamilya Unidad sa Angono. Nalipat ito sa mga anak at apo, na nagpatuloy ng mga gawain tuwing kapistahan ni San Jose.
Tampok sa nobena ang Dalit o Awit para kay San Jose. Ang Dalit kay San Jose ay bumanggit ng kanyang sakit at tuwa.
Inaawit ito ng choir sa nobena.
Narito ang ilang halimbawa: “Lubhang naligalig ka, Sa masid na si Maria, Naglihi at naging ina. Ito’y talinhagang sadya! Ano ang iyong kalumbayan, Nang ito’y iyong mamasdan!” Ang sagot ng mga nakikipagnobena: “Jose, kami ay kaawaan sa buhay at kamatayan. Nang sa iyong pagkatulog, Winika ng Anghel: Tanto, ang bunga ng Esposa mo, Ay sa Espiritu Santo; Takot mo at kalumbayan, Napalitan ng katuwaan.
“Nang si Jesus ay mamasdan, nahihiga sa sabsaban, Puso mo’y pinaglampasan, Ng sibat ng kalumbayan; Dala sa malaking habag, Sa kanyang kalagayan, Sina Jesus at Maria, Sa Ehipto iyong dinala; Nang malaya na sila, Kay Herodes na kuhila! Laking hirap, laking pagal, Ang tiniis mo sa daan.”
Ganito naman ang kahilingan kay San Jose: “Sa pitong ligaya’t sakit, na ngayon aming inawit, Kami ay iyong kalarahin, At iligtas sa panganib; Kaming lahat ay pakamtan, Ng ligayang walang hanggan.”
Ang debosyon kay San Jose ay nagsimula pa noong ikaapat na siglo at lumaganap ito sa Kanlurang Europa noong ika-10 siglo. Si San Jose ay ipinahayag at kinilalang patron ng Universal Church noong 1870 ni Papa Pio IX. Hindi nagtagal ay isinama na ni Pope Saint John XXIII ang pangalan ni San Jose sa listahan ng mga Banal.
Bilang patron ng Universal Church, si San Jose ang huwaran ng mga pari at iba pang relihiyoso dahil sa pagiging tapat at makatotohanang pangako sa Poong Maykapal. Nagmula si San Jose sa angkan ni Haring David at napili ng Diyos upang maging kabiyak ng Mahal na Birheng Maria at ama sa turing ni Jesus, na nagkatawang-tao. Ang pangalan ni San Jose ay araw-araw na binabanggit sa Misa.