WALA nang pangamba at alalahanin, tinawid ni Ronald Oranza ang finish line sa pagtatapos ng 12-stage LBC Ronda Pilipinas bilang parada para sa koronasyon ng bagong kampeon.
Opisyal na ipinutong sa ulo ni Oranza ang korona bilang bagong ‘Hari ng Tour’ habang walang tigil ang pagbubunyi ng mga tagasuporta at kaanak na naghihintay sa finish line kahapon sa Filinvest, Alabang.
Sigurado na ang 26-anyos na pambato ng Villasis, Pangasinan ang titulo sa pagtatapos pa lamang ng Stage Nine kung saan napalawig niya ang bentahe sa mahigit pitong minuto laban sa mga kasangga, kabilang ang No.2 na si two-time champion Jan Paul Morales, nagwagi sa final stage Criterium sa loob ng isang oras, 28 minuto at 15 segundo.
Sa kabuun, tangan ni Oranza ang oras na 34:11:23, kabuntot si Morales, na may kabuuang oras na 34:22:56.
Nakasama si Oranza sa listahan ng mga kampeon sa cycling marathon na itinataguyod ng LBC sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Nakamit ni Oranza ang P1 milyon at Boy Kanin franchise na nagkakahalaga ng P300,000.
“Ang saya ng pakiramdam. Nagpapasalamat ako sa mga teammate ko na todo suporta sa akin right after makuha ko yung red jersey,’ sambit ni Oranza.
Nakamit naman ng 26-anyos na si Navara ng General Santos ang kabuuang 34:33:06, para sa ikatlong puwesto, gayundin ang titulo bilang ‘King of the Mountain.
Nakopo rin ng Navy ang team classification title (135:13:47) kasunod ang Philippine Army-Bicycology, ang koponan na suportado ni dating Philippine Sports Commission and Games and Amusement Board chairman Eric Buhain (136:56:19) at Go for Gold Developmental team (136:59:26).