Ni Jun Fabon

Kamatayan ang sinapit ng isang lalaki makaraang barilin ng mga pulis matapos umanong mang-agaw ng baril ng pulis at putukan ang security guard ng pagamutang pinagdalhan sa kanya sa Quezon City, nitong Sabado.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang nasawi na si Ronald Gallo, 31, ng Taguig City, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nangyari ang insidente sa emergency room ng Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City, dakong 12:30 ng madaling araw.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Unang nakatanggap ng report ang QCPD-Station 8, bandang 8:20 ng gabi nitong Biyernes, na isang lalaki sugatan ang binti ang hinahabol ng riding-in-tandem hanggang pumasok sa compound sa Rigor Street sa Barangay Masagana, Project 4.

Sa pagresponde ng mga pulis, dinala si Gallo sa naturang pagamutan pero pagdating sa ospital ay nakipagtalo umano ang suspek sa mga hospital staff.

Sa gitna ng pakikipagtalo ng suspek, bigla umano nitong inagaw ang baril ng kinilalang si PO1 Macaraeg, at pinutukan ito bagamat masuwerteng nasa safety mode ang armas.

Tumakbo ang suspek sa ikalawang palapag ng DoH-Mimaropa Building at nagpaputok muli, na minalas na tamaan sa paa ang guwardiyang si Rolito Samosino, kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at napatay si Gallo.