Ni Ric Valmonte
NANG hirangin ni Pangulong Duterte si Nicanor Faeldon bilang Bureau of Customs Commissioner, gumawa siya ng paraan ng pagpapalabas ng mga kargamento. Mayroong green lane na itinalaga para sa mga kargamentong mabilis na nakalalabas na hindi na binubusisi pa.
Kung si Sen. Lacson ang tatanungin mo, ang mga may tara marahil ang siyang pinadaraan ng grupo ni Faeldon dito sa green lane. Doon din umano dumaan ang P6.4-bilyon halaga ng shabu, na nang mabisto ay natunton sa isang warehouse sa Valenzuela.
Sa imbestigasyong ginawa ng House Committee on Public Order at Senate Committees on Public Order and Dangerous Drugs at Blue Ribbon Committee, kay Faeldon at sa kanyang mga kasama ibinagsak ang sala at parehong inirekomenda ng dalawang kapulungan na sampahan ng kaso ang mga ito.
Kinasuhan nga sa Department of Justice (DoJ), pero inabsuwelto sila. Bukod dito, inilipat lang sila ng Pangulo ng puwesto sa gobyerno.
Kamakailan, ibinasura ng DoJ ang kasong illegal drug trade nina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pa.
Nagalit daw ang Pangulo at sinabing rerepasuhin niya ang resolusyon ng DoJ panel of investigators na nagpapawalang-sala sa mga ito dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Sinabihan din daw si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na kapag nakalusot ang mga ito, siya ang ipapalit sa selda ng mga palalayain. Pero sa kabila ng panawagan kay Aguirre na mag-resign ito, hindi raw magbibitiw ang kalihim. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, may tiwala pa rin ang Pangulo kay Aguirre.
Nitong Huwebes lang, ginawang state witness ng DoJ si Napoles sa PDAF scam. Kung noong pumutok ang balitang ibinasura ng DoJ ang kaso ng mga idinemandang drug lord ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), pinatalsik na sana ng Pangulo si Aguirre, maaaring hindi na magawa ang ginawa ng DoJ kay Napoles.
Ang problema, sa kabila ng nangyari kina Espinosa, Lim at Co, may tiwala pa rin si Duterte kay Aguirre. Kung hindi siya nagalit kay Aguirre nang inabsuwelto nito ang grupo ni Faeldon, ito rin ang kanyang reaksiyon nang inabsuwekto ng panel of investigators ng DoJ ang drug lords.
Ang pagkakaiba lang, ang grupo ni Faeldon ay itinalaga ng Pangulo sa gobyerno, samantalang ang grupo ni Kerwin ay publikong inihayag niyang sangkot sa droga, at nasa kanyang drug list.
Baka ‘yung galit niya na inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque kay Aguirre ay fake news. Pareho ang naging reaksiyon niya sa ginawa ng DoJ sa kaso nina Faeldon at Espinosa, kaya lang nga sa kaso nina Espinosa pinalamutian niya ito ng galit na inihayag ni Roque.
Sa magkakaibang paraan, unti-unting lumalabas ang mga sumuporta sa kandidatura ni Pangulong Digong noong nakarang halalan. Ipinalibing niya ang labi ni Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani bilang pagkilala sa tulong ng mga Marcos. Namamayagpag sina dating Pangulo at ngayon ay Cong. Gloria Arroyo at ang dating Cabinet officials nito, sa administrasyong Duterte. Hinirang din ni Duterte na Secretary of Public Works si Villar.
Nakalusot ang grupo ng mga pinaghihinalaang drug lord at ang utak ng PDAF scam na si Napoles. Kaya, puwedeng fake news din na walang pera si Pangulong Digong nang tumakbo siyang Pangulo ng bansa. Siya ang higit na masalapi kaysa kanyang mga kalaban. Panahon naman niyang magbayad ng utang.