Ni Hannah L. Torregoza
Kinilala ng foreign news website na Asian Correspondent si Senador Leila M. de Lima bilang isa sa nangungunang “Power Women of Southeast Asia” dahil sa kanyang walang maliw na pagsusulong sa katarungan at karapatang pantao.
Sa artikulo na pinamagatang “The Power Women of Southeast Asia,” tinukoy ng Asian Correspondent si De Lima bilang “flag-bearer” ng karapatang pantao sa “Philippines and beyond.”
Isinama ng Asian Correspondent si De Lima sa hanay ng limang babaeng lider na nagiging inspirasyon ng mamamayan sa pakikipaglaban sa kanilang mga adbokasiya at pagsusulong ng mga pagbabago.
Kabilang sa “The Power Women of Southeast Asia” sina Myanmar leader Aung San Suu Kyi, Indonesian Finance Minister Sri Mulyani Indrawati, Cambodian rights activist Mu Sochua, at Singapore Leader of the House Grace Fu.
“There are on average only 30 women per every 100 men in leadership positions…Which is what makes the women on our list stand out – it’s a challenging world out there for Asean women in politics, who face hard choices about marriage, motherhood, and employment to get to the top,” sinabi ng Asian Correspondent.
“Yet, the trailblazers of the region give us hope that it can be done,” ayon pa rito.