Ni Martin A. Sadongdong

Nakatakdang sumailalim sa maintenance check sa Batanes ang eroplanong bumulusok sa isang bahay sa Plaridel, Bulacan nitong Sabado, na ikinasawi ng 10 katao.

Inihayag kahapon ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) na nagsasagawa na sila ng follow-up investigation upang maberipika kung bakit magkakaiba ang bersiyon ng mga nagbibigay ng pahayag bago bumagsak ang Piper Lance2 PA-32-300 aircraft sa Barangay Lumang Bayan sa Plaridel.

Gayunman, sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio na nakatakda ang maintenance check flight ng eroplano sa Batanes pagkagaling sana nito sa Laoag Airport sa Ilocos Norte.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“After its ferry flight to Laoag, it’s supposed to go to Itbayat in Batanes for a check flight, meaning to have its maintenance check or to check on other aircrafts,” sabi ni Apolonio.

“Maaaring mag-u-undergo ng maintenance check, but the CAAP approved its flight because the plane was good to go, otherwise it will not allow the plane to fly if there are problems,” dagdag ni Apolonio.

SANIB-PUWERSANG IMBESTIGASYON

Dahil dito, sinabi ni Apolonio na dalawang grupo mula sa CAAP ang inatasang mag-imbestiga sa insidente, ang CAAP-Accident Investigation and Inquiry Board (AIIB) at ang CAAP-Flight Safety Inspectorate Service (FSIS).

Aniya, tututukan ng CAAP-AIIB ang “accident investigation”, habang pagtutuunan naman ng CAAP-FSIS ang mga teknikalidad ng eroplano, kabilang ang air worthiness, ang kondisyon ng piloto, at ang pagmamantine sa eroplano.

Tiniyak na masusi silang makikipag-ugnayan sa BPPO sa imbestigasyon, sinabi ng CAAP na posibleng abutin ng isang buwan bago mailabas ang resulta ng kanilang pagsisiyasat.

“We have to cross-check the results from the AIIB and FSIS and from there, we will determine what exactly was the reason why the plane crashed. Is it human error, mechanical or the weather itself?” ani Apolonio.

DNA TESTING

Samantala, sinabi ni BPPO director Senior Supt. Romeo Caramat na nakuha na ang bangkay ng lahat ng 10 nasawi sa trahedya, bagamat ilan sa mga ito ay kakailanganing isailalim sa DNA testing dahil sa matinding pagkasunog.

Dakong 11:21 ng umaga at katatapos lang mag-take off ng six-seater, single-engine aircraft sa Plaridel Airport nang bumulusok ito sa isang bahay sa Purok 3, Bgy. Lumang Bayan habang nagtatanghalian ang pamilya sa tahanan.

Unang napaulat ng BPPO na dalawa ang piloto sa eroplano, bagamat kalaunan ay tinanggal ng pulisya sa listahan ng mga nasawi ang una nitong pinangalanan na si Co-Capt. Efren Patugalan.

Sampu ang kumpirmadong namatay sa trahedya: ang limang sakay sa eroplano na sina Captain Ruel Meloria; Romeo Huenda, chief mechanic; at mga pasaherong sina Alicia Necesario, Maria Vera Pagaduan, at Nelson Melgar.

Patay din ang limang nakatira sa bahay na binagsakan ng eroplano: si Risa Dela Rosa, ina niyang si Louisa Santos, 80; at mga anak niyang sina John John, 17; Timothy, 11; at Trish, pitong taong gulang.