Ni Ali G. Macabalang
COTABATO CITY – Pinasabugan ng mga hinihinalang rebelde ang isang detachment ng Philippine Army sa Shariff Aguak, Maguindanao nitong Biyernes ng gabi, na ikinasugat ng isang sundalo at ng isang bystander.
Kinilala ni Senior Supt. Agustin Tello, Maguindanao Police Provincial Office director, ang mga nasugatan na sina Kamarudin Malang at Corporal Ebrahim Meto, ng 57th Infantry Battalion, na kaagad na isinugod sa ospital.
Batay sa mga paunang imbestigasyon, tinukoy ng mga lokal na opisyal na suspek sa responsable sa pag-atake ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Nabatid na isa sa dalawang hinihinalang miyembro ng BIFF na magkaangkas sa motorsiklo ang naghagis ng granada sa detachment ng 57th IB sa Shariff Aguak at kaagad na tumakas matapos ang pagsabog.
Napinsala ang detachment at nagdulot ng takot ang insidente sa mga residente malapit sa lugar.