Ni NITZ MIRALLES
NAKITA namin ang litrato ng grupo nina Dingdong Dantes, Jennylyn Mercado, Lovi Poe, Alden Richards, Betong Sumaya at Dennis Trillo na masayang nagpa-picture after mabigyan ng visa para sa US Embassy.
Kasunod noon, ang photo na nasa rehearsal ang grupo para sa Sikat Ka Kapuso shows na gagawing sa New Jersey sa April 7 at Toronto sa April 8.
Sa April 5 ang alis nila at masayang-masaya sila na makakasama sila sa pagbibigay ng kasiyahan sa mga kababayan natin sa mga nabanggit na lugar, at makakapag-bonding pa sila.
“Part two na ito ng Sikat Ka Kapuso, same group din except for Kuya Dingdong na nadagdag. Masaya ito at excited ako at doon pa pa lang sa nag-apply kami ng visa, nasabi ko nang ang sarap balikan ang panahong nakakasama ko ang mga kapwa ko Kapuso stars. Na-miss ko silang kasama, makakapag-bonding uli kami,” sabi ni Alden.
Ano ang masasabi niya na isinasama na siya ng GMA-7 sa mas senior sa kanya at ibig sabihin nito, kinikilala na ang kahusayan at naabot niya bilang aktor?
“I always look up to seniority. It’s still an honor for me na makasama sila sa show man pelikula o teleserye. I am so honored to be working with them. Natutuwa at ang sarap pakinggan na kahanay ang pangalan ko sa pangalan nila. Reality check din sa akin na may mas nauna sa akin,” patuloy ni Alden.
One week sa Amerika si Alden, sa April 15 na ang balik niya, pero bago bumalik, dadaan siya sa New York for a two-day one-on-one acting workshop with Anthony Vincentt Bova. Matatandaan na twice nang nag-conduct ng workshop si Mr. Bova sa Kapuso stars. This time, si Alden ang pupunta sa kanya sa New York.
“After ng workshop ko dito, na-realize kong ng sarap-sarap umarte at excited kang gamitin ang mga natutunan mo.
Ang daming techniques na itinuro at na-realize ko rin na kulang na kulang pa ang kaalaman ko sa pag-arte. Kaya kapag may free time, magwu-workshop ako,” sabi pa kay Alden.