Ni ORLY L. BARCALA

Dalawang bangkay ng hindi kilalang lalaki, na sinasabing kapwa biktima ng summary execution, ang natagpuan sa madilim na bahagi ng kalsada sa Caloocan City, nitong Sabado ng gabi.

Inilarawan ng awtoridad ang mga biktima na nasa 30-40 anyos, may taas na 5’4” at 5’6”, katamtaman ang pangangatawan, ang isa ay nakasuot ng puting basketball jersey at itim na shorts, habang pulang T-shirt at itim na short naman ang isa pa.

Kapwa may tama ng bala sa ulo mula sa .9mm caliber pistol ang mga biktima, na nakagapos ng duck tape ang mga kamay at paa, at natatakpan ang bibig.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Sa ulat ng pulisya, nadiskubre ng mga tanod ang dalawang bangkay sa gilid ng Quirino Highway sa Barangay 129, North Caloocan City, dakong 10:00 ng gabi.

Sa pahayag ng tanod na si Rey Arguelles, nakarinig sila ng anim na putok ng baril sa nasabing lugar at nakita ang isang puting van na huminto sandali at kaagad ding umalis.

Hinala ng awtoridad, sa van isinakay ang mga biktima at sa gilid ng kalsada binaril ng mga hindi kilalang salarin, batay sa tatlong basyo ng .9mm caliber na narekober sa pinangyarihan.