Ni Clemen Bautista
ANG mainit na buwan ng Marso na bahagi ng maalinsangang tag-araw ay panahon ng graduation o pagtatapos sa mga paaralan, pampubliko man o pribado sa iba’t ibang bayan at lungsod sa mga lalawigan ng inibig nating Pilipinas.
Gayundin sa mga kolehiyo at pamantasan. Sa mga mag-aaral, ang pagtatapos ay isang makahulugan at mahalagang araw at sandali sa kanilang buhay. At sa mga magulang at pamilyang Pilipino, ang graduation – sa pre-school, elementary, senior high school, kolehiyo at pamantasan, ay pasasalamat sapagkat natupad ang tungkulin at pangarap na mabigyan ng edukasyon na itinuturing nilang mahalagang pamana sa kanilang mga anak.
Sa mga mag-aaral naman sa kolehiyo at pamantasan, ang pagtatapos ay ang simula ng pagtahak nila sa landas patungo sa paghahanap ng trabaho. Kung suwertihin, makapaglilingkod sa mga magulang, mga kapatid, bayan at pamayanan. Ang mga magtatapos sa kolehiyo at pamantasan ay nakadarama ng magkahalong emosyon ng saya, lungkot at balisa. Masaya sila sapagkat natapos nila ang kanilang pag-aaral at mapapasok na nila ang mundo ng mga propesyonal. Nakadarama ng lungkot sapagkat panahon ng pagpapaalam sa kanilang mga kaibigan o kamag-aaral. Nababalisa rin dahil hindi nila alam kung ano ang naghihintay sa kanila sa labas ng bakuran ng kanilang pamantasan at kolehiyo. Magkakatrabaho na kaya agad o makakasama sa bilang ng mga walang mapasukang trabaho. Sabi nga ng iba, magbibilang ng poste ng Meralco. Kung mass com graduate, ay mas komportable sa bahay. Ngunit hindi naman sila nawawalan ng pag-asa na magagamit ang kanilang pinag-aralan.
Ngayong Marso 2018, magtatapos na ang mga mag-aaral na unang nasaklaw ng K To 12 Program ng Department of education (DepEd). Ang paksa o tema sa graduation ng K To 12 Senior High School ay “Mag-aaral ng K To 12: HANDA SA HAMON NG BUHAY”. May apat na track ang Senior High School: Academic, Technical Vocational Livelihood, Sports at Arts and Design. May apat na strand ang Academic – Accounting, Business Management (ABM). Humanities and Social Science (HUMSS) strand; Science, Technology, Engineering and Mathematics (STRM) strand. Apat din ang strand ng Technical Vocational Livelihood: Agri-Fishery, Home Economics, Information and Communication Technology (ICT) at Industrial Arts.
Magagamit na ng mga nagtapos sa Senior High School ang skill na natutuhan nila sa pag-aaral. Makatutulong upang makapagtrabaho hindi lamang sa iniibig nating Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Ang iba naman na nagtapos na Senior High School ay magpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo at pamantasan. Pag-aaralan ang pinili nilang course.
Ngayong Marso 18, 2018 ay magtatapos din sa Philippine Military Academy sa Fort del Pilar, Baguio City ang may 282 mga kadete. Ang Class 2018 ng mga magtatapos na kadete ay tinawag na “Alab-Tala” o Alagad ng Lahing Binigkis ng Tapang at Lakas. Kabilang sa mga magtatapos ang top ten o sampung nanguna sa mga magtatapos na kadete. Tampok na panauhin at tagapagsalita sa graduation ng mga kadete si Pangulong Rodrigo Duterte. Ang mga magtatapos na kadete ay magiging tauhan at miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
Sa panahon ng pagtatapos, lalo na sa mga pribadong paaralan, hindi maiwasan na marami ring mag-aaral at magulang ang naghihirap ang kalooban sapagkat sila’y napagsasamantalahan ng ilang paaaralan na pinatatakbo at pag-aari ng mga tuso at negosyanteng edukador. Ang graduation ay nagiging panahon ng huling pandurukot sa bulsa ng mga magulang at mag-aaral. Ang pandurukot na ito ay ang masyadong mataas na singil ng graduation fee sa mga magsisipagtapos. Hindi matutulan at walang magawa ang mga magulang kundi ang magbayad ng mataas na graduation fee sapagkat huling taon ng pag-aaral ng kanilang mga anak. Kailan kaya matutuldukan ang ganitong pagsasamantala ng mga negosyanteng nakadamit edukador?