“The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”—Section 26, ng Article II ng Declaration of Principles and State Policies ng Konstitusyon ng bansa.
Ang konsepto ng mga dinastiyang pulitikal ay matagal nang bahagi ng kasaysayan ng ating bansa. Nang manamlay ang kapangyarihan ng aristokratang pamunuan na impluwensiya ng mga Espanyol matapos ang Rebolusyon sa Pililipinas noong 1896, nag-unahan ang mga natitirang elitista, kasama ang matatagumpay na negosyante, upang humawak ng posisyon sa pamahalaan. Nagsulputan ang mga bagong angkan at kalaunan ay naging mga dinastiyang pulitikal sa Pilipinas.
Hinangad ng mga bumuo sa kasalukuyan nating 1987 Constitution na tuldukan ang patuloy na pamamayagpag ng ilang angkan sa gobyerno nang isama nito sa listahan ng mga polisiyang pambansa ang pagbabawal sa mga dinastiyang pulitikal upang mabigyan ng patas na oportunidad sa paglilingkod sa publiko ang lahat ng mamamayang may kakayahang gawin ito.
Subalit nakalimutan nilang itakda ang mga limitasyon ng pagbabawal, at ipinaubaya ito sa Kongreso. Sa lahat ng Kongreso simula noong 1987 — o 31 taon na ang nakalipas — walang isa man ang kumilos upang tukuyin ang mga limitasyon ng pagbabawal, o kung ano ang hangganan sa angkan ng mga nais kumandidato, o kung ilang termino ang limitasyon, at iba pa. Dahil sa kawalan ng mga aktuwal na detalyeng ito, hindi pa rin maipatupad ang nasabing pagbabawal.
Sa administrasyong Duterte, may pursigidong pagkilos upang rebisahin o amyendahan ang 1987 Constitution, partikular upang bigyang katuparan ang nais ng Pangulo na magkaroon ng federal na sistema ng pamamahala na inaasahan niyang magkakaloob sa Mindanao at sa iba pang malalayong lugar sa bansa ng mas maraming oportunidad upang umunlad. Binuo ng Presidente ang Constitutional Commission (Com-Com) upang magpanukala ng ilan sa mga kakailanganing pagbabago, na ipiprisinta sa Constitutional Assembly (Con-Ass), na binubuo naman ng mga kasapi ng Kongreso.
Noong nakaraang linggo, tinalakay ng Constitutional Commission ang isang aspeto ng repormang pinupuntirya nito. Nagbotohan ang komisyon upang limitahan, sa halip na ipagbawal, ang mga dinastiyang pulitikal sa bansa. Bumoto ang komisyon upang limitahan ang pagbabawal hanggang sa second degree of consanguinity o affinity. Alinsunod sa panukala, maaaring kapwa kumandidato ang isang ama at kanyang anak sa parehong eleksiyon; sila ay may ugnayang first-degree.
Ang magkakapatid ay nasa second degree ang ugnayan; kaya saklaw sila ng panukalang pagbabawal. Subalit ang magpipinsan ay maaaring kumandidato sa parehong halalan; may apat na degrees silang pagitan.
Para kay Pangulong Duterte ay hindi naman masama ang pagkakaroon ng mga dinastiyang pulitikal, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, subalit ipinauubaya na ng Presidente ang usapin sa Constitutional Commission. Matatagalan pa ang pagkakaroon ng pinal na desisyon sa usapin, subalit nakatutuwang isipin na makalipas ang 31 taon ay naungkat na ang matagal nang naisantabing constitutional ban, at mabibigyang katuparan na sa babaguhing Konstitusyon ang deklarasyon ng isang polisiyang pambansa.