Ni Jeffrey G. Damicog

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang mag-asawa na nagsadlak umano sa sariling anak nilang babae na 16-anyos para magbenta ng panandaliang aliw, habang dinakip din ang dayuhang kustomer ng dalagita, sa isang operasyon sa Batangas City.

Kinilala ng NBI ang inarestong dayuhan na si Kim Hyo Soon, na gumagamit ng alyas na “Rocks” at nagpakilalang isang Mongolian, at Canadian sa pangalang Victor Mescallado.

Ang dayuhan at ang mag-asawa ay dinakip ng mga tauhan ng Special Action Unit (SAU) ng NBI sa kasagsagan ng operasyon sa Batangas City, nitong Huwebes ng gabi.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nasagip naman ng SAU ang anak ng mag-asawa mula sa kamay ng naturang dayuhan.

Sinabi ni NBI Director Dante Gierran na umaksiyon ang NBI sa reklamo ng tiyahin ng dalagita na nagsabing ang mag-asawa mismo ang ilang beses na nag-alok sa sarili nilang anak sa dayuhan para sa pagtatalik kapalit ng pera, na labag sa kalooban ng bata.

Kasama ng SAU team ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sasailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice (DoJ) sa Maynila ang tatlong suspek para sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (RA 9208) at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (RA 7610).