Nina MARTIN A. SADONGDONG at FREDDIE C. VELEZ

Labing-isang katao ang napaulat na nasawi sa pagbagsak ng isang light plane sa residential area sa Barangay Lumang Bayan sa Plaridel, Bulacan bago magtanghali kahapon.

Patay ang lahat ng anim na sakay sa eroplano at ang limang nakatira sa bahay na binagsakan nito.

Kinilala kahapon ni Bulacan Police Provincial Office (PPO) director Senior Supt. Romeo Caramat ang dalawang piloto na kabilang sa mga nasawi sa aksidente na sina Capt. Ruel Meloria at Co-Capt. Efren Patugalan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Patay din sa trahedya ang apat na pasahero ng twin-engined six-seater na Piper PA-23 Apache plane, na may registry number na RP-C-299 at ino-operate ng Lite Air Express na sina Chief Mechanic Romeo Huenda, Alicia Necesario, Maria Vera Pagaduan, at Nelson Melgar.

Dead on the spot si Louisa Santos, 80, may-ari ng bahay sa Purok 3, Bgy. Lumang Bayan, habang sa ospital na binawian ng buhay si Rizza Santos at tatlong bata: isang babae at dalawang lalaki, ayon kay Plaridel Councilor Linda Ravago.

Ayon sa tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na si Eric Apolonio, bumagsak ang eroplano makaraang mag-take off mula sa Plaridel Airport bandang 11:21 ng umaga, makaraang masabit sa mga kable ng isang poste ng kuryente.

Inihayag ni Apolonio na ang bahay ni Santos ay may 50 metro lamang ang layo mula sa runway ng paliparan.

Sinabi rin ng CAAP na patungong Laoag Airport ang eroplano.

Ayon pa sa CAAP, kaagad na rumesponde sa crash site ang mga accident investigator at isang grupo mula sa Flight Safety and Inspectorate Service (FSIS).

Grounded din ang lahat ng eroplano ng Lite Air Express habang isinasagawa ang imbestigasyon.