Ni Bert de Guzman
IPAKUKULONG daw ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre II kapalit nina umano’y drug lord Peter Lim, drug dealer Kerwin Espinosa, drug lord convict Peter Co, at iba pa kapag sila’y naabsuwelto sa drug charges na inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Tandaan na si Kerwin, anak ng pinatay sa loob ng kulungan na si Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa, ay umaming drug dealer at nagbigay ng P8 milyon bilang kontribusyon kay noon ay DoJ Sec. Leila de Lima sa pagkandidato sa senadurya.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque nagbabala si PRRD na si Aguirre ang kanyang ipakukulong kapalit nina Lim at Kerwin: “’Pag nakawala yun si Lim at Espinosa, siya ang ipapalit ko.” Hindi kaya hyperbole lang ito? Si Peter Lim, ayon sa mga report, ay negosyanteng taga-Cebu na campaign supporter ni Mano Digong noon. Siya raw ay kumpare rin ng Pangulo.
Hindi makapaniwala ang taumbayan, kasama na ang mga senador, sa pagkakaabsuwelto ng DoJ prosecutors kina Lim, Kerwin, Peter Co at iba sa drug charges. Ayon naman kay Aguirre, hindi pa “off the hook” o kawala ang mga ito sa kaso ng illegal drugs. Sige kilos ka, kung hindi baka ikaw ang makulong.
Ayon sa mga kritiko, sa pagkakabsuwelto kina Kewrin, Lim, at Co, lumilitaw na gawa-gawa lang ang akusasyon na illegal drug trade laban kay Sen. Leila de Lima. Si Kerwin ay tumestigo laban kay De Lima pati na ang mga convicted drug lord sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP). Siya raw ay nagbigay ng pera kay Sen. Leila. Itinanggi ito ng senadora.
Ang mga convicted drug lord, kung natatandaan pa ninyo, ay hinakot ni Sec. Vits Aguirre sa Kamara para tumestigo laban kay Sen. De Lima hinggil sa utos umano nitong mangolekta sa loob ng NBP ng drug money para gamitin sa pagkandidato. Ginamit pa umano ni De Lima ang kanyang driver-bodyguard-lover na si Ronnie Dayan sa pangongolekta ng limpak-limpak na salapi mula sa mga bawal na gamot.
Nagtataka ang publiko at ang may matitinong pag-iisip kung bakit pinayagan at pinaniwalaan ng mga kasapi ng Kamara ang testimonya ng mga NBP drug lord gayong sila ay sentensiyado at walang kredibilidad ang mga pahayag. Ganito rin ang ginawa ng DoJ at ng hukuman sa Muntinlupa na nagpasiyang may probable cause laban kay Delilah, este De Lima, kung kaya nakakulong ang palabang senadora ngayon sa Camp Crame.
Marami rin ang nagtataka kung bakit nais ng mga kongresista na muling i-postpone ang barangay at sangguniang kabataan elections. Si PDU30 ang nagpahayag na karamihan sa mga barangay chairman at opisyal ay sangkot sa illegal drugs, kaya dapat munang ipagpaliban ito dahil kung hindi, sila rin ang mananalo.
Kung ganoon, eh bakit kailangang i-postpone ito? Hindi ba dapat ngang magkaroon ng halalan upang mapalitan ang mga nakaupong barangay official upang ang papalit na bago ay walang bahid ng droga. Kapag nanatili silang nakaupo, eh tuloy ang operasyon sa illegal drugs. ‘Di ba makatwirang dapat magdaos ng halalan upang sipain at alisin ang kasalukuyang mga pinuno na ayon sa Pangulo ay sangkot sa ilegal na droga?