ALISTO at tunay na kahanga-hanga ang Smart Candy ng SC Stockfarm sa dominanteng panalo sa Philippine Racing Commission (Philracom) 3YO Local Fillies and Colts Stakes Race kamakailan sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.

karera

Alabok na lamang ang nasaksihan ng mga karibal nang kaagad na rumatsada ang Smart Candy sa meta tungo sa 8-length win sa karera na hindi na ikinagulat ni jockey Kelvin Abobo.

“Ang order sa akin, unahan na. Ang kabayo ko, magaling kapag nasa unahan. Talagang banderista ito,” pahayag ng 34-anyos na si Abobo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakamit ni SC Stockfarm owner Oliver Velasquez ang premyong P600,000 mula sa total guaranteed purse na P1,000,000 sa torneo.

Tinawid ng 3-year-old dark bay filly ang finish line ng 1,500-meter course sa bilis na isang minuto at 32.6 segundo.

Naging mahigpitan naman ang labanan sa ikalawang puwesto sa pagitan ng Here’s To Life (jockey EP Nahilat at owner Jose Quiros) kontra Perlas ng Silanganan na natapos via photo finish para sa una. Nakamit ng Mr. Quiros ang P225,00 runner-up prize.

Naiuwi naman ng Perlas ng Silanganan ang P125,00 third place prize para kay owner Hermie Esguerra, habang pang-apat ang Misha (owner Leonardo Javier, Jr.).

Nabigo namang makaulit ang first-leg winner Probinsyano,sakay si jockey Mark Angelo Alvarez at pagmamay-ari ni Napoleon Magno.

Ito ang pinakamahabang distansiya na napagbidahan ng Smart Candy ngayon. Sa kasalukuyan, limang karera ang tinapos niya sa top 5.

“Malayo ang lamang namin. Mga eight paces. Pinilit ko talagang mauna,” sambit ni Abobo.

Nitong Pebrero, nakopo ng Smart Candy ang 1,300-meter course para sa 3-year old races at dalawang 1,000-meter races last nitong Enero na pawang sinandigan ni Abobo.

Nagabayan din ni Abobo ang Crème Brule sa ikalawang puwesto sa likod ni Play It Safe sa NPJAI Trophy Race.