Nina ROY C. MABASA, GENALYN D. KABILING at ELLSON A. QUISMORIO

Sinimulan na ng Pilipinas ang pormal na proseso ng pagkalas sa International Criminal Court (ICC).

Dakong 6:07 ng gabi nitong Huwebes sa New York (6:07 ng umaga ng Biyernes sa Manila), opisyal na naghain ang Pilipinas ng notice sa United Nations sa pamamagitan ng one-page note verbale na nagpasya itong tumiwalag sa Rome Statute.

Iniabot ni Philippine Permanent Representative to the UN Teodoro Locsin Jr. ang note verbal kay Maria Luiza Ribeiro Viotti, ang Chef de Cabinet of UN Secretary General Antonio Gutteres.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakasaad dito na tinititiyak ng Pilipinas sa international community na patuloy itong ginabayaan ng rule of law alinsunod sa Constitution at tradisyon ng pagpapanatili sa mga karapatang pantao.

“The Government affirms its commitment to fight against impunity for atrocity crimes, notwithstanding its withdrawal from the Rome Statute, especially since the Philippines has a national legislation punishing atrocity crimes,” nakasaad sa note.

Ang Rome Statute ang treaty na nagtatag ng International Criminal Court, ang unang permanent international court na itinayo para parusahan ang mga indibidwal na nakagawa ng genocide, crimes against humanity, war crimes at crime of aggression. Pinagtibay ito sa diplomatic conference sa Rome noong Hulyo 17, 1998 at nagkabisa noong Hulyo 1, 2002.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, ang desisyon ng administrasyong Duterte na kumalas sa ICC ay “a principled stand against those who politicize and weaponize human rights.”

Nakasaad sa Article 127 ng Rome Statute na ang State Party ay maaaring humiwalay sa Statute sa pamamagitan ng pagsulat ng notification na naka-address sa UN Secretary-General. Kung walang binanggit na partikular na petsa, magkakabisa ang withdrawal isang taon matapos ang date of receipt ng notification.

Idiniin ng Malacañang na hindi na magbabago desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas sa Rome Statute.

“Naku, too late. Too late po, parang naka-alis na po ang tren,” sinabi Presidential Spokesman Harry Roque sa panayam sa telebisyon.

Iginiit ni Roque na “unacceptable” na nilabag ng ICC ang “principle of complementarity” sa paglunsad ng preliminary examination sa mga diumano’y krimeng nagawa ng administrasyong Duterte kaugnay sa giyera kontra ilegal na droga.

Ngunit para kay Magdalo Party-List Rep. Gary Alejano, binigyan ng ICC ng due process si Duterte.

“The fact that preliminary examinations were opened proves that the ICC observed presumption of innocence,” paliwanag ng dating Marine captain.