Ni Czarina Nicole O. Ong

Ipinababasura ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat Jr. ang kasong graft na kinakaharap niya sa Sandiganbayan kaugnay ng pagbili ng umano’y overpriced na Isuzu Trooper na aabot sa P900,000, noong Marso 2003.

Sa isinampa nitong mosyon, hiniling ni Baguilat sa 5th Division ng anti-graft court na i-dismiss ang kaso dahil sa kanyang “right to speedy disposition of cases”.

Masyado na aniyang tumagal ang kaso simula nang ihain ito sa Office of the Ombudsman noong Setyembre 24, 2009. At matapos ang ilang taon ay naghain na rin, aniya, siya ng mosyon na ipabasura ang kaso noong Nobyembre 19, 2013.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, humiling na siya ng update sa kaso noong Abril 14, 2015 dahil wala pa ring ibinababang resolusyon sa usapin.

Gayunman, nagtataka siya nang bigla na lamang maglabas ng resolusyon ang anti-graft agency na nag-uutos na kasuhan siya ng graft sa Sandiganbayan nang makitaan ng probable cause ang reklamo noong Enero 11, 2016.