Ni Genalyn D. Kabiling

Kinumpirma kahapon ng Malacañang na nakaamba ang balasahan sa Gabinete sa harap na rin ng pagkadismaya ni Pangulong Duterte sa performance ng ilan niyang opisyal.

“Talagang sabi niya na merong mga secretary na hindi siya happy sa performance at magkakaroon nga daw po ng mga pagbabago sa Gabinete,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang panayam sa radyo.

Nang tanungin kung gagawin ang balasahan sa susunod na mga linggo, sinabi ni Roque: “Wala naman po, hindi sa susunod na linggo,” ani Roque.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, sinabi ni Roque na binanggit ng Pangulo ang balasahan sa Gabinete sa harap ng mga mamamahayag sa Palasyo kamakailan.

Ipinag-utos kamakailan ni Pangulong Duterte ang full review sa pagbasura sa mga kaso ng ilegal na droga laban sa mga sinasabing drug lord, makaraang madismaya sa nasabing pasya ng Department of Justice (DoJ).

Bagamat nagbanta ang Pangulo na ipapalit sa kulungan si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kapag nakalaya na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim, inihayag ng Malacañang na nananatiling may tiwala ang Presidente sa kalihim.

“Kung wala na po kasing tiwala iyan ay hindi na po hihintayin ni Pangulo ang pagbibitiw [ni Aguirre], talagang sisibakin na po. Dahil alam mo naman na napakadami nang sinibak ng ating Pangulo,” sabi ni Roque.