Ni Mary Ann Santiago

Kulong ang isang drug surrenderer, na natuklasang hindi tumigil sa ilegal na aktibidad, matapos makumpiskahan ng 69 na pakete ng umano’y shabu sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Sagad, Pasig City kamakalawa.

Pinuri ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Reynaldo Biay ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) at Station Intelligence Unit (SIU) ng Pasig City Police, na pinamumunuan ni Police Senior Supt. Orlando Yebra, sa pagkakadakip kay Antonio Coronel, 59, ng 97 Dodge City Street, sa Bgy. Sagad.

Nabatid na si Coronel ay kusang sumuko sa Police Community Precinct 9 ng Pasig City Police, sa ilalim ng Oplan Tokhang, noong 2016.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Natuklasan naman ng awtoridad na sa halip na magbagong-buhay, ipinagpatuloy ng suspek ang ilegal na aktibidad at nagsagawa ng operasyon laban sa kanya.

Ayon kay Yebra, sinalakay ng kanyang mga tauhan, sa bisa ng search warrant, ang bahay ng suspek at tuluyang inaresto, bandang 12:30 ng hapon kamakalawa.

Nakumpiska mula sa suspek ang 69 na pakete ng umano’y shabu na may bigat na 18 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P60,000-P70,000.

Kasalukuyang nakakulong si Coronel sa Pasig City Police at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.