Ni MARY ANN SANTIAGO

Sugatan ang isang pulis-Maynila matapos kuyugin at pagtulungang bugbugin ng limang lalaki, na magkakamag-anak, sa Paco, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Police Supt. Emerey Abating, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 5, ginagamot na sa ospital si PO1 Christopher Pizarro, na nakatalaga sa Beata Police Community Precinct (PCP), na sakop ng MPD-Station 10, bunsod ng mga sugat at mga pasa sa mukha at sa iba pang bahagi ng katawan.

Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang mga suspek na sina Dennis Miranda, at kanyang mga pamangkin na sina Kurt John Miranda, 21; James Joseph Miranda, 34; Aaron Miranda, 33, at Kerby Miranda, 20, na pawang sasampahan ng mga kasong serious physical injury at drunk and disorderly conduct.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Police Senior Inspector Edwin Fuggan, ng MPD-Station 10, naganap ang pambubugbog sa Pedro Gil Street, kanto ng Peñafrancia St., sa Paco, pasado 1:00 ng madaling araw.

Ayon kay Pizarro, wala siyang alam na dahilan para pagtulungan siyang bugbugin ng mga suspek na hindi naman niya kilala.

Aniya, galing siya sa duty at pauwi na sakay sa kanyang motorsiklo nang banggain siya ng isa pang motorsiklo.

Sinita umano niya ang driver upang hindi siya nito takasan, ngunit bigla na lang siyang pinagtulungang bugbugin ng driver at ng angkas nito, at ng dalawa pang kasamahan nito na sakay sa isa pang motorsiklo.

Ayon pa kay Pizarro, mayroon pang isang lalaki na sumali sa panggugulpi sa kanya, na kalaunan ay natukoy na tiyuhin ng apat.

Dahil sa naramdamang nanganganib na ang kanyang buhay, nagpaputok ng warning shot si Pizarro, gamit ang kanyang .9mm na baril, ngunit inagaw pa ito ng mga salarin at saka siya muling binugbog.

Naabutan pa ng ilang mamamahayag ang pangyayari, ngunit kahit nakatutok na ang camera sa kanila ay walang takot pa ring sinusugod ng mga ito at binugbog ang pulis.

Makalipas ang ilang sandali ay nag-alisan ang mga suspek sakay sa kanilang motorsiklo at pagsapit ng 3:00 ng madaling araw ay sumuko sa Barangay 816 sa Paco at nagpaliwanag.

Sa tanggapan ng MPD-Station 5, umamin si Kurt na nakainom siya nang maganap ang insidente.

Aniya, naghaharutan lamang silang magpipinsan nang mapadaan si Pizarro malapit sa kanila sa Dapo Street.

Inakala umano ng pulis na siya ang pinatutungkulan sa asaran nilang magpipinsan, kaya inangasan sila nito at inihinto sa gitna ang motorsiklo.

Matapos nito ay nagsialisan na ang magkabilang panig, ngunit nagkataong iisa lamang ang kanilang daan pauwi kaya muling nag-krus ang kanilang landas sa Peñafrancia Street kung saan naganap ang panggugulpi.

Depensa ni Kurt, hindi niya sinasadyang mabangga ang motorsiklo ni Pizarro at nang igilid niya ang motorsiko ay pinigilan siya ng pulis at bumunot ng baril at pinaputukan sa paa.

Dito na, aniya, niya niyakap si Pizzaro upang makuha ng kanyang mga kasama ang baril ng pulis at saka ito pinagtulungang gulpihin.