Ni Dave M. Veridiano, E.E.
SALA-SALABAT ang imbestigasyong nagaganap ngayon kaugnay sa pagbasura ng Department of Justice (DoJ) sa drug trafficking case laban kina Peter Lim, Kerwin Espinosa at sa 17 iba pa, na inihain ng mga imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) -- halos 85 araw na pala itong itinatago sa mamamayan bago NABUKING ng makulit na taga-media.
Maging si Pangulong Rodrigo R. Duterte, ay nagbulalas ng kanyang pagkadismaya sa pangyayari at nagbantang kapag nakalaya sa kulungan si Kerwin ay mismong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang kaniyang ipakakalaboso.
Sumingaw kasi sa media ang resolusyon ng DoJ panel of prosecutors noong Disyembre 20, 2017 na nagdidismiss sa mga kasong paglabag sa Section 26(B) na may kaugnayan sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) laban kina Lim, Espinosa, Peter Co, Lovely Impal, Marcelo Adorco, Max Miro, Ruel Malindangan, Jun Pepito, at mga alyas “Amang”, “Ricky”, “Warren”, “Tupie”, “Jojo”, “Jaime”, “Yawa”, “Lapi”, “Royroy”, “Marlon”, at “Bay”.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, lubhang nadismaya si Pangulong Duterte sa naging pasya ng DoJ kaya ipinasiya nitong gamitin ang kanyang “power of supervision and control” sa usaping ito.
Nang “masabon” ng Pangulo si Aguirre hinggil dito, biglang nagkukumahog ngayon ang DoJ at nagsagawa ng kabi-kabilang imbestigasyon, sabay pa nang pagtatapon ng bintang at sisi sa CIDG at sa mismong mga tauhan ng National Prosecution Service (NPS) na nasa ilalim din ng DoJ.
Isang panel ang agad na binuo ng DoJ para muling imbestigahan ang kaso. Ito ay pinangungunahan nina Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, Assistant State Prosecutor Ana Noreen Devanadera, at Prosecution Attorney Herbert Calvin Abugan. Isinabay na rin dito ang pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga prosecutor na nagbasura sa reklamo ng CIDG.
“I ordered the creation of a new panel that will handle the review of the DoJ’s resolution on Peter Lim’s case,” sabi ni Aguirre, na sa akin namang palagay ay bahagi ng kanyang paghuhugas kamay sa isyung ito na pinagpipyestahan ngayon sa social at mainstream media.
Medyo nagtataka lang ako, dahil kung ‘di man ito agad naiparating ng DoJ sa Pangulo, bakit ‘di naman ito naiparating ng nakapaligid sa kanyang matitinik na “intel operative” na nagbibigay ng datos at “day-to-day update” kaugnay ng ideneklara niyang personal na pakikipaglaban sa sindikato ng droga sa buong bansa. Maraming pagkakataon pa nga kasi na sila ang source ng Pangulo, ng pangalan at pagkatao ng mga ina-identify nitong drug lord sa iba-ibang panig ng bansa, tuwing haharap siya at magtatalumpati sa mga taga-media.
Sa aking palagay, sobrang haba ng 85 araw para ‘di ito masagap ng mga radar ng matitinik na intelligence operative at officer na labas-masok sa Malacañang – kung sila mismo ay walang pinoproteksyunan at pinagtatakpan. Nasisiguro kong sa pagkakataong ito ay gising na gising sila at ‘di “natutulog sa pansitan” bagkus meron lamang mga PINOPROTEKTAHAN. Sa magkano kayang dahilan?
Ang pangyayaring ito ang muling nagpalutang at nagpatingkad sa kahalagahan nang pagiging MAURIRAT at MATAPANG ng media sa isang bansa, upang ilantad ang mga kalokohang pilit na itinatago ng mga opisyal nang namamayaning administrasyon para pagtakpan ang anomalyang kanilang kinasasangkutan.
Kaya sa aking palagay, ito na ang pagkakataon upang mag-isip ang Pangulo at maghinay-hinay na lamang sa kanyang pakikitungo, sa itinuturing niyang kalabang mga media entity -- dahil ang mga ito mismo ang nagiging THIRD EYE ng kanyang administrasyon sa mga impormasyon ng kapalpakan na pilit itinatago sa kanya ng mga pinagtitiwalaan niyang opisyal sa pamahalaan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]