DALAWANG beses nang kinansela ang Barangay at Sangguniang Kabataan election bago napagdesisyunan na ito ay isagawa sa Mayo. Isa sa mga dahilan sa unang pagkansela noong Oktubre, 2016 ay dahil sa “election fatigue”, sapagkat katatapos lamang ng presidential election noong Mayo, 2016, makalipas ang ilang buwang kampanya.
Kinansela rin ang eleksiyon na itinakda noong Oktubre 2017. Sa pagkakataong ito, ang dahilan ay ang pangamba ni Pangulong Duterte na maraming barangay chairman sa bansa ang mananalo dahil sa suporta ng mga drug lord. Sa panibagong eleksiyon, malaki ang posibilidad na manalo ang mga ito sa reelection.
Gayunman, hindi natin maaaring ipagpaliban nang paulit-ulit ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Maraming Kabataang Barangay officials ang lumampas na sa age qualifications para maging miyembro ng nasabing organisasyon. Ang ideya ng pagkansela ng halalan ay tinuligsa ng marami sa paniniwalang inaalis ang karapatan ng tao — ang maghalal ng nais nilang opisyal.
Muling hinihiling sa Kamara de Representantes na ipagpaliban ang eleksiyon sa Mayo at idaos sa Oktubre kung kailan inaasahang magkakaroon ng plebisito para sa bagong konstitusyon, ngunit hindi ito sinang-ayunan ng Department of Interior and Local Government (DILG). Kaya umaasa tayo na idaraos ang barangay at kabataan elections sa Mayo.
Sinabi ni Pangulong Duterte na mayroon siyang 143 barangay chairman at 146 na barangay kagawad sa kanyang listahan ng narco officials. Ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay mayroong 300 barangay officials, ngunit sinabi ng DILG na aabot sa 9,000 barangay officials ang nasa listahan. Ipinatawag na ang DILG upang sampahan ng kaso ang mga ito at suspindehin.
Bilang pangunahing ahensiya sa pakikipaglaban sa ilegal na droga, inatasan ng PDEA ang mga opisyal ng barangay sa buong bansa na isumite ang kanilang barangay watch lists sa Marso 21.
Kukumpirmahin ang mga ito, kasama ang findings ng DILG, ng PDEA upang isama sa pinal na listahan.
Kumpiyansa ang administrasyon na makalipas ang dalawang taong kampanya laban sa ilegal na droga, alam na ng mga botante ang sitwasyon at hindi susuportahan ang mga may kaugnayan sa ilegal na droga. Aaksiyon ang korte, sa pangunguna ng PDEA, ngunit kinakailangang pangunahan ito ng mga botante sa pagpunta nila sa presinto sa darating na barangay at kabataan elections sa Mayo 14.