Ni Fer Taboy
Aabot sa limang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay habang sugatan naman ang anim na sundalo matapos ang kanilang sagupaan sa Patikul, Sulu nitong Martes ng hapon.
Inihayag ni Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr., commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom), na nangyari ang sagupaan sa Barangay Panglahayan, Patikul, dakong 2:31 ng hapon.
Nasamsam sa clearing operations ang dalawang matataas na kalibre ng baril, kabilang ang isang Elisco M16A1 rifle, at Colt M16A1 rifle mula sa mga napatay na bandido.
Nakasagupa ng tropa ng 5th Scout Ranger Battalion ng Philippine Army (PA), ang 30 bandidong tauhan ni Abu Sayyaf Leader Radulan Sahiron at mga sub-leader na sina Julie Ekit, Amlon Abtahi at Amah Asam.
Naniniwala ang militar na magsasagawa sana ng mga pagdukot sa lugar ang mga bandido nang mamataan sila ng tropa ng pamahalaan.