Ni FER TABOY

Dinisarmahan at sinibak sa puwesto kahapon ang tatlo sa apat na tauhan ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) na itinuturong halinhinang gumahasa sa isang 29-anyos na buntis sa Meycauayan City, Bulacan.

Dinisarmahan at inalis sa puwesto kahapon ni BPPO director Senior Supt. Romeo Caramat, Jr. ang tatlong pulis na kinilala ng biktima na halinhinan umanong gumahasa sa kanya.

Kinilala ng ginang—na pitong linggong buntis—ang tatlong pulis na sina PO2 Jefferson Landrito, PO1 Marlo Delos Santos, at PO1 Jeremy Aquino, na pinagbawalan nang makalabas ng kampo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Positibong itinuro ng biktima ang tatlo na kabilang umano sa apat na humalay sa kanya nang magsagawa ng anti-drug operation ang mga suspek sa kanilang lugar sa Barangay Bangkal, Meycauayan.

Ayon sa biktima, Marso 6 at naniningil lang siya ng pautang kasama ang dalawang taong gulang niyang anak na babae sa Bgy. Bangkal at natiyempong nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa lugar.

Nasa loob umano ng bahay ang mag-ina nang pagnasaan umano ng isa sa mga pulis, na nanakot na mapapahamak ang anak niya kapag tumanggi ang ginang, ayon sa media reports.

Habang ginagahasa umano ang ginang ay pumasok ang isa pang pulis at napaulat na niyaya ng unang pulis ang kabaro na “tikman” din ang ginang.

Ginahasa rin umano ang ginang ng ikalawang pulis, kasunod ang dalawa pang kasamahan ng mga ito.

Gayundin, idinagdag ng ginang na nang magpasuri siya sa doktor nitong Marso 10 ay wala nang palatandaang buhay ang kanyang sanggol.

Mariing itinanggi ng mga suspek ang bintang, bagamat isinasailalim na sila sa imbestigasyon, samantalang nagba-background check na rin ang pulisya sa biktima.