“THERE shall be created autonomous regions in Muslim Mindanao and in the Cordilleras, consisting of provinces, cities, municipalities, and geographical areas sharing common and distinctive historical and cultural heritage, economic and social structures, and other relevant characteristics within the framework of this Constitution and the national sovereignty as well as territorial integrity of the Republic of the Philippines.”—Section 15, Article X ng Philippine Constitution.
Matapos ratipikahan ang Konstitusyon noong 1987, bumuo ang Kongreso ng dalawang rehiyon na binanggit sa Konstitusyon— ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) at ang Cordillera Administrative Region (CAR). Ang pagpapatupad ng Kongreso ng batas na lilikha sa Bangsamoro Autonomous Region, matapos ang ARMM at CAR, ay paglabag sa Section 15, Article X, ng Konstitusyon, sinabi ng mga opisyal ng Philippine Constitution Association (Philconsa) sa legislative panel na nakatalaga sa pagbuo ng pinal na bersiyon ng Bangsamoro Basic law.
Inirekomenda ng mga opisyal ng Philconsa — sina Chairman Manuel Lazaro at President Ferdinand Martin Romualdez — sa Kongreso na sa halip na ipatupad ang BBL, dapat munang amyendahan ng pamahalaan ang 1987 Constitution. O kaya — isa pang opsiyon — amyendahan na lamang ng Kongreso ang Republic Act 679 na bumuo sa ARMM, palitan ng pangalan na Bangsamoro Autonomous Region, pagkalooban ng karagdagang probisyon para sa mga Moro, na napagkasunduan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa administrasyong Duterte.
Nagsilbing pundasyon ni Pangulong Duterte ang BBL upang iwaksi, aniya, ang “historical injustice” sa mga Moro sa Mindanao. Umaasa siyang magiging parte ito ng sistemang pederal ng pamahalaan na nais niya sa bagong konstitusyon.
Ngunit bago pa man ang Charter change — na matatagalan pa — umaasa siyang maipatutupad ng Kongreso ang Bangsamoro Basic Law. Sakaling ito ay maipagpaliban o maunsiyami, aniya, may plano siyang mag-isyu ng executive order.
Noong panahon ng administrasyong Aquino, isang panukala para sa BBL ang inihain sa 16th Congress ngunit, sa kabila ng suporta ng administrasyon, bigo ang Kongreso na magtipon ng sapat na bilang upang pagtibayin ito. Ang itinurong dahilan ay ang engkuwentro sa Mamasapano, kung saan pinatay ang 44 na miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police, ng grupo ng mga armadong Moro, kabilang ang ilang miyembro ng MILF.
Tinanggap na ni Pangulong Duterte ang epekto ng BBL. Panigurado, matatanggap niya ang suportang kinakailangan mula sa Kongreso, sa pamamagitan ng batas, constitutional amendment, o pareho. Gayunman, nagpahayag ang Philconsa ng mga posibleng hamon sa pagpapatupad ng BBL na sa ngayon ay ipinapanukala sa Kongreso. Makabubuting ikonsidera ang mga puntong ipinahayag nito sa pagsisikap ng pamahalaan na maabot ang mga minimithi para sa Bangsamoro.