Ni Gilbert Espeña
TINIYAK ni Filipino knockout artist JayR Raquinel na hindi siya magiging biktima ng hometown decision sa Japan nang patulugin si OPBF flyweight champion Keisuke Nakayama kamakalawa ng gabi sa Korakuen Hall sa Tokyo.
Unang laban ito ni Raquinel sa abroad kaya tiniyak ng tubong Bacolod City, Negros Occidental na hindi siya malulutong-Macao kaya pinatulog niya si Nakayana na huling naidepensa ang titulo sa kontrobersiyal na 12-round split draw sa Pilipino ring si dating WBC Continental Americas flyweight titlist Jobert Alvarez noong nakaraang taon sa Korakeun Hall.
Napaganda ni Raquinel ang kanyang rekord sa perpektong 9-0-1 na may 6 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Nakayana sa 10-3-2 na may 4 panalo sa knockouts.
Matagumpay namang naidepensa OPBF super bantamweight champion Hidenoki Otake ang kanyang titulo sa pagtalo sa Pilipinong si Brian Lobetania sa pamamagitan ng TKO sa main event ng sagupaan.
Nakipagsabayan si Lobetania kay Otake na naghintay lamang ng pagkakataon bago napatigil ang Pilipino sa matinding kombinasyon.
Napaganda ng beteranong si Otake ang kanyang rekord sa 31-2-3 na may 14 panalo sa knockouts at bumagsak ang kartada ni Lobetania sa 13-5-3 na may 11 pagwawagi sa knockouts.