Ni Erik Espina
NAGUGUNITA ko pa ang babala ng isang Tourism secretary makailang pangulo na ang dumaan. Ililihim ko ang kanyang pagkakakilanlan. Wika niya, “Bisitahin niyo na ang Boracay ngayon bago pa ito sumabog”. Tinukoy niya ang nakaambang pagputok ng mga establisyemento, basura, at siyempre, dumi ng tao na hindi matukoy kung saang tubo pinapadaan o lagusan lumalabas at iniimbak.
Dapat kasi, ang bawat bahay, tindahan, hotel, kainan atbp. ay may sapat at kanya-kanyang septic tank. Ang sitsit pa nga dati, may tagas ang mga tangke dahil sa tinitipid ang tamang pagkumpuni nito. Ang iba, ang kanilang pinagkainan, mantika, ihi at dumi ay ilegal na nakakonek sa mga kanal. Noon pa man, may balita na marumi na ang Boracay dahil sa paglutang ng mga… alam niyo na. Hindi pa rito natatapos ang kuwento.
May balik-bayan na nagbakasyon sa Boracay, 10 taon na ang nakalilipas. Architect at engineer siya na namasukan sa isang sikat na tanggapan sa Amerika. Talagang nag-alala siya sa direksiyong tinatahak ng sikat na bakasyunan. Lalo na nang subaybayan at usisain niya ang kung saan talaga ang imbakan ng iba’t ibang palikuran doon? Nangangamoy na raw kasi.
Napailing-iling na lang siya habang nagkukuwento sa akin. Eto na tayo ngayon at umabot na sa sukdulan ang malinaw na pagpapabaya ng lokal na pamahalaan dahil ang nakikita nila ay negosyo, business at building tax, at bastusang pag-unlad. Basta ba restaurant, hotel, condo, at kung ano pa, “go agad” kahit masama sa kalikasan at sa kaayusan ng lugar.
Nauunawaan ba nila ang tinaguriang “sustainable development”? Tumpak ang Palasyo na pitpitin ang mga opisyales sa “Burak-ay”. Maghain ng closure order sa mga lumabag sa building at environment codes. Walang sasantuhin sa kampanya upang linisin at buhayin ang ginintuang buhangin na dinarayo ng buong mundo. Maliit na tindahan o malaking resort hotel, paparusahan kung lumabag. Bilang paglalarawan – Enero-Oktubre 2017, halos 1.7 milyong turista at dayo ang bumisita sa Boracay? Saan kaya nila iniiwan ang kanilang personal na dumi? Aray ko!