Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at GENALYN D. KABILING

Nakiisa ang mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagan na tumakbong senador sa susunod na taon si Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go.

Dumalo ang mga prominenteng miyembro ng Gabinete ni Duterte sa opisyal na paglulunsad ng kilusang “Ready, Set, Go!” sa Intramuros, Manila kahapon para hikayatin ang kanang kamay ni Duterte na tumakbo para sa puwesto sa Senado sa 2019 midterm elections.

Kabilang sa kanila sina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, Presidential Spokesperson Harry Roque, Labor Secretary Silvestre Bello III, Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano, Trade Secretary Ramon Lopez, at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naroon din sina Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) director Reynaldo Concordia, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) deputy executive director Arnell Ignacio, Davao City 1st district representative Karlo Nograles, at Camarines Sur Governor Miguel Luis Villafuerte.

Gayunman, nilinaw ni Andanar na ang paglulunsad ng kilusan ay hindi maagang pangangampanya para sumabak si Go sa 2019 senatorial race.

“I think for me, hindi siya maaga because we are still convincing him to run. It’s not a launch for candidacy, it’s actually convincing SAP Bong Go to run for Senate,” giit ni Andanar.

“Ito naman ay initiative ng kaibigan, barkada, so nag-snowball na. May mga supporters din na kasali,” aniya pa.

Si Go, nagsilbing assistant ni Duterte simula 1998, ay isa sa tatlong opisyal ng administrasyon na tumanggap ng endorsement ng Pangulo sa pagpupulong sa Malacañang nitong Martes ng gabi. Ang dalawang iba pa ay sina Presidential Spokesman Harry Roque at Presidential political adviser Francis Tolentino, ayon kay Andanar.

Sinabi noon ni Go na wala siyang interes na tumakbo sa puwesto sa gobyerno, at masaya nang maging katiwala ng Pangulo. Ngunit kalaunan ay nagbago ang kanyang isip at sinabi na ang anumang plano sa pagtakbo ay nakasalalay sa desisyon ni Pangulong Duterte.

“Masyado pa pong maaga. Depende po kay Pangulo ang lahat. Thank you,” ani Go nitong nakaraang buwan.