Ni Rey G. Panaligan
Hiniling kahapon sa Supreme Court (SC) na ipawalang-bisa ang 60-day restraining order na inilabas ng Court of Appeals (CA) para pigilin ang isang taong suspensiyon na ipinataw ng Office of the Ombudsman sa apat na commissioners ng Energy Regulatory Commission.
Sinabi sa petisyon ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, Inc. (APBPI) na nakagawa ng grave abuse of discretion ang CA na matumbas ng lack or excess of jurisdiction sa pag-isyu ng 60-day temporary restraining order (TRO).
Sinuspinde ng Office of the Ombudsman noong Disyembre 11, 2017 sina ERC Commissioners Alfredo Non, Gloria Victoria Yap-Taruc, Josefina Patricia Asirit, at Geronimo Sta. Ana matapos mapatunayang nagkasala ng conduct prejudicial to the best interest of the service at simple neglect of duty. Kaugnay ito sa pagpahintulot sa electric utilities na huwag nang magsagawa ng bidding ng kanilang power supply agreements (PSAs).
Nag-ugat ang kaso laban sa apat na commissioner sa desisyon ng ERC na ilipat ang deadline para sa compliance sa competitive selection process (CSP) mula Nob. 6, 2015 sa Abril 30, 2016, kaya’t na-exempt ang power supply agreements (PSA) sa transparent at public bidding na nakasaad sa CSP.
Nagdesisyon ang Ombudsman na nakagawa ng “gross inexcusable negligence” ang apat na commissioners sa pag-antala sa implementasyon ng CSP.
Iniakyat ng apat na commissioners ang kaso sa CA, na sa resolusyon noong Pebrero 9, 2018 ay naglabas ng 60-day TRO “in order not to impair public service” dahil simula noon wala pang itinatalagang kapalit ng apat na commissioners ang Office of the President.
Iginiit ng APBPI sa kanilang petisyon na walang kapangyarihan ang CA na pigilin ang desisyon ng Office of the Ombudsman.