Ni Jun N. Aguirre
BORACAY ISLAND, Aklan - Gagamitin ang terminal fee na nakolekta sa mga turista bilang pondo para sa rehabilitasyon ng isla ng Boracay sa Malay, Aklan.
Ayon kay Aklan Gov. Florencio Miraflores, pumayag siyang gamitin ang terminal fee para maayos ang nasabing isla.
Maliban sa terminal fee, gagamitin din ang environmental fee ng bayan ng Malay para sa anim na buwang rehabilitasyon ng Boracay, bukod pa sa calamity fund mula sa pamahalaang panglalawigan.
Inihayag kamakailan ni Pangulong Duterte na isasailalim sa state of calamity ang Boracay kaugnay ng usapin sa sari-saring paglabag sa environmental laws ng ilang establisimyento roon.
Nasa P100 ang terminal fee na sinisingil sa bawat turista sa Boracay, bukod pa sa P75 na environmental fee na kinokolekta naman ng pamahalaang bayan ng Malay.