Ni Dave M. Veridiano, E.E.

SA pagkakabasura ng Department of Justice (DoJ) sa kaso ng mga tinaguriang drug lord sa bansa na kasalukuyang nakapiit sa Bilibid Prisons, lumabas ang malinaw na katotohanang ang giyera laban sa droga na ipinagpilitang maibalik ng Philippine National Police (PNP) sa kanila, ay laban lamang sa mga “dagang dingding” ng lipunan at mga walang kapit sa pamahalaan.

Sinusugan din nito ang aking paniniwala na kulang sa karanasan ang mga tauhan at opisyal ngayon nang hinahangaan kong Criminal Investigation Detection Group (CIDG) kaya’t magkakasunod ang pagkakabasura sa malalaking kasong isinasampa nila laban sa mga kriminal.

Kapag ganitong palagi ang mangyayari sa imbestigasyon ng CIDG – walang makukulong na paldong drug lord sa bansa.

Bagkos, ang mas dadami ay ang mga tinatakpan ng diyaryo sa madidilim na bangketa at kalsada, kung saan tumakbo at lumaban daw ang “dagang dingding” na hinuhuli ng mga pulis.

May mga pagtatalo kung sino ang dapat sisihin sa mga bulilyasong ito – ang DoJ ba o ang CIDG–PNP - kaya’t sinikap kong hagilapin ang mga batikan kong kaibigang imbestigador at mga dating prosecutor ng DoJ na nakasama ko noon, upang kumuha sa kanila ng ideya kung sino ang may problema sa mga nangyayaring ito, na masasabi kong “black eye” sa giyera laban sa droga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Ibinasura ng DoJ ang kaso hinggil sa droga laban kina Peter Lim, Kerwin Espinosa, Jr., Peter Co, Lovely Impal, Marcelo Adorco, Max Miro, Ruel Malindangan, Jun Pepito, at iba pang nakilala lamang sa kanilang mga alyas na “Amang”, “Ricky”, “Warren”, “Tupie”, “Jojo”, “Jaime”, “Yawa”, “Lapi”, “Royroy”, “Marlon”, at “Bay” – batay sa 41-pahinang ruling na ipinalabas nito.

Ito ay ang mga kasong isinampa ng PNP-CIDG-Major Crimes Investigation Unit (MCIU), na katulad ng paglabag ng mga akusado sa Section 26(b) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) na ibinatay lamang ng mga imbestigador sa sinumpaang-salaysay ni Adorco, na naaresto sa buy-bust operation sa Albuera, Leyte, noong Hulyo 8, 2016.

Ito ang paliwanang sa bahagi ng resolution: “His (Adorco) testimonies are rife with inconsistencies and contradictions, and run against the standards of human experience and the logical course of reality.”

Ito rin ang kinatigan ng kausap kong mga dating beteranong imbestigador ng CIDG at prosecutor ng DoJ. Ang resolution daw ng DoJ na nag-aabsuwelto sa mga suspek ay dahil sa mahinang ebidensiya na iniharap laban sa mga ito.

“Mahinang mag-dokumento at maghanap ng ebidensiya ang mga taga-CIDG ngayon. Kulang sa proper training!”

Ang sabi pa ng isang kausap ko: “Mahina ang kanilang opisyal kasi kung magaling siya hindi ito makakalusot sa kanya…sa mesa pa lamang niya, dapat ay nakita na niyang mali!”

Sa aking obserbasyon naman, ang hinahanap ko ay ang dating mainit na pagtutulungan ng mga taga-DoJ at PNP sa pagresolba sa mga malalaking kaso, lalo pa’t ang suspek ay may malaking atraso sa pamahalaan – dapat ay palaging NAKAKAHON ang reklamo laban sa kanila, bago ito ihain sa korte. Ang ibig sabihin ng NAKAKAHON ay kahit pagbali-baligtarin pa ang depensa sa asunto ay siguradong kalaboso ang suspek!

Noon kasi, may pasimpleng mga “exchange notes” ang prosecutor ng DoJ at imbestigador ng PNP. Nagtutulungan upang palaging NAKAKAHON ang kaso ng suspek na kanilang iniimbestigahan.

Ang komentong ito ng isang maggugulay sa Divisoria ang tumimo sa aking isipan: “Nakakainggit ang mga tsekwang ‘yan, makuwarta kasi kaya nabibili nila ang kanilang buhay. Pero ‘yung anak kong gustong makawala sa bisyo, sa halip na makapagbagong-buhay, nasama pa rin sa mga tumimbuwang sa madilim na iskinita sa aming lugar!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]